Kabanata 30

233 11 0
                                    

Masasabi kong bawat lupain ay may kanya-kanyang deskripsyon. Iba-iba ang taglay nilang mahika upang pagandahin ang kanilang tirahan. Ang kastilyo ng Peryvell ay halos walang pader, ang ibig kong sabihin, nalilibutan ito ng naglalakihang durungawan kaya naman kahit na saang sulok ako magtungo ay natatanaw ko kung ano ang mayroon sa labas ng lupain. Liban nalang sa mga pribadong silid.

Gulat ang rumehistro sa mukha ng mga taga-Peryvell nang kami ay masilayan. Hindi nila inaasahan ang aming pagdating, tulad ng napag-usapan. Kaya naman ngayon ay kita ko kung paano sila mataranta sa pagkilos, hindi magkanda-umayaw.

Napaawang pa ang bibig ko nang ang mga kawal ay luminya at humanay sa magkabilang gilid nang tumahak kami sa isang pasilyo. Ewan ko ba kung bakit nahihiya ako. Naging tahimik ang aming pagpunta, ngunit ngayon ang mga tao ay natataranta.

"Hindi po namin inaasahan ang inyong pagdating. Ipagpaumanhin ninyo." may lumapit na tatlong babae sa aming gawi.

Ang isa ay desente ang kasuotan, ngunit ang dalawa sa gilid niya ay magkapareho ng suot. Uniporme yata iyon ng taga-silbi dito. Lahat sila ay nakayuko.

"Hindi, kami ang dapat humingi ng paumanhin sapagkat nagdulot pa yata kami ng gulo." nakayuko kong sabi, nahihiya.

Totoo naman kasi, nataranta namin sila. Sana pala ay nagpadala kami ng liham bago kami tumungo dito nang sa gano'y hindi naging ganito ang reaksyon nila.

"Ipinagbigay alam na po namin kay Lady Caelia ang inyong pagdating. Patungo na siya mula sa isang pulong." imporma nung babae na nagsalita kanina.

"Pakisabi ay huwag nang mag-abala. Maghihintay kami hanggang sa matapos iyon." nakangiti kong sabi.

Ngunit napawi iyon nang makitang hanggang ngayon ay nakayuko pa rin silang lahat. Napatingin ako kay Harrah at Eurron, tahimik lang silang dalawa.

"Ah, m-maaari na kayong bumalik sa kanya-kanyang gawain. Hindi ninyo kailangang abalahin ang inyong sarili para sa amin." giit ko. Dahil lahat sila ay ganoon ang posisyon, hindi gumagalaw.

Nag-angat ng tingin iyong babae kanina. Nginitian ko siya. Pansin ko pa na nagulat siya nang makita ng maigi ang aking mukha at nanlaki ang mga mata niya. Marungis ba ako? Napahawak tuloy ako sa aking mukha.

"Ikaw nga ang Prinsesa." mahina niyang sabi ngunit abot-dinig ko. "Kamukhang-kamukha mo si Er- ang Reyna." usal niya, tila namamangha na nakatitig sa akin.

Napangiti naman ako sa narinig. Nalulugod ang damdamin ko sa tuwing naririnig ang salitang kamukha ko ang aking Ina.

"Naulinigan kong narito ang Prinsesa ng Alteria. Lijhen, bakit hindi mo pa sila binibigyan ng akomodasyon?" may isang lalaki pa ang lumapit, sa husga ko ay nasa kalagitnaan ng kanyang edad. Teka, nakilala ko na siya!

Oo, tama. Noong araw ng pagdiriwang. Nalimutan ko lang ang pangalan. Tinignan niya kaming tatlo, nang huminto ang tingin niya sa akin ay pala-kaibigan siyang ngumiti.

"Ako si Moyu, mahal na Prinsesa, kung limot mo na." Tila ba nabasa niya sa akin na nalimutan ko na talaga ang pangalan niya "Ikinagagalak kong masilayan ka dito sa lupain ng Peryvell." saka niya inabot ang kanan kong kamay at hinalikan ang likod ng aking palad.

Marahil ay hindi siya nalalayo kay Ama o mas matanda lang ito ng ilang taon. Makisig siya sa ganitong edad. Ibawas ang kaunting tiklop ng balat sa gilid ng kanyang mga mata, magandang lalaki siya. Mahaba ang buhok niya na nakapusod lang kaya dumagdag iyon sa kanyang kakisigan.

Winged (Sequel To Serin Of Alteria)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon