Kabanata 45

204 12 4
                                    

May nag-udyok sa akin na sundan siya. Lumabas siya ng kastilyo at pamilyar ang daan na kanyang binabaybay. Nakita ko pa siyang pumitas ng bungkos ng bulaklak nang madaanan niya ang hardin. Matapos ay tinahak niya ang daan patungo sa kakahuyan. Walang ibang destinasyon ang kanyang tinatahak na daan kun'di sa hardin ng Solliel. Minsan ko na rin siyang nakita na pumunta doon. Subalit kuryoso lamang ako kung sino ang dinadalaw niya.

Pinanatili ko ang malayo-layong distansya sa kanya upang hindi niya mabatid na sinusundan ko siya. Gayong napakatalas pa naman ng pakiramdam niya. Ang pangunahing hanay na mga bantayog ay ang templo ng mga dakilang tao. Ang mga Arden at mga pinuno na pumanaw. Sa timog ay doon nakahimlay ang mga ibang taga-palasyo na pumanaw.

Doon siya nagtungo. Mapayapa ang lugar, tahimik, tila isang paraiso. Walang naglilikha ng ingay kun'di ang mga nilalang na likas. Huminto ako nang huminto na rin siya.

Nakatapat siya sa isang puntod, hindi ko nga lang makita kung kanino. Nagtago ako sa isang bantayog at sinisilip siya. Dahil nakatalikod ay hindi ko rin makita ang mukha niya.

"Huwag mo nang ikubli ang iyong sarili."

Nanlaki ang mga mata ko.

"Kanina mo pa ako sinusundan, Serin." nakatalikod pa rin siya sa akin.

Nakatago na nga ako. Pinakaiingat-ingatan ko pa na ilayo ang presensya sa kanya. Wala pa lang saysay ang aking ginawa. Bumuntong hininga ako at lumabas sa pinagtataguan. Hindi siya lumingon sa akin, bagkus ay umupo siya sa damuhan at inilapag sa tapat ng bantayog ang pinitas na bulaklak. Pinatong niya ang mga braso sa kanyang mga tuhod. Hindi na ako nagdalawang isip na lapitan siya.

"Sapagkat napansin ko na hindi ka nagtagal sa silid ni Ada..." nasa likuran na niya ako kaya nasisilayan ko na ang pangalang nakaukit sa bato.

"Iyon ang dahilan kaya't ako'y iyong sinundan?"

"Nalulungkot kayo, Master Gustave." ang siyang tanging sinabi ko.

Sinulyapan ko ang bantayog na kanyang tinititigan. Saka lumipat sa mukha niyang walang emosyon. Hindi siya nagsalita. Ako naman ay umupo rin sa damuhan katabi niya, tiniklop ko ang mga binti upang maging komportable. Tinignan ko ulit 'yung bato. Iisang pangalan kasi ang nakaukit ngunit dalawa ang ala-alang nakasulat dito.

Nangangahulugang dalawang tao ang nakahimlay dito.

Tumikhim ako.

"Sino po... sino po sila?" pagbasag ko sa katahimikan.

Napakalalim ng kanyang buntong hininga. Saglit niya pang pinalis ang mga nakatabon na dahon sa lapida bago isagot ang mga salitang labis na gumulat sa aking sistema.

"Ang aking anak, at kanyang Ina."

Nakaawang ang labi na napatitig ako sa kanya. Sinasagap ng maigi ang imporma na kanyang isinawalat. May pamilya siya? Tila nalulon ko ang sariling dila. Masyadong personal ang bagay na ito, kaya hindi ako umaasang malalaman o sasabihin niya sa akin ang tungkol dito sa mga panahong aming pinagsamahan.

"Hindi ka makapaniwala?" tila nabasa niya ang ekspresyon ko, dahil na rin sa pananahimik ko.

Buong akala ko'y wala siyang asawa. Sa mga panahong nakilala ko siya ay akala ko si Ada ang gusto niya. Subalit, tama siya. Magkaibigan lang marahil ang kanilang relasyon sapagkat may pumanaw na asawa at anak si Master Gustave.

Nalulungkot ako sa katuklasan. At nadismaya... nanghinayang.

"May asawa pala kayo... at anak." mahinang sabi ko at sinulyapan ang bantayog.

Winged (Sequel To Serin Of Alteria)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon