Pareho kaming nagawi sa nagsalita. Tumambad ang mukha ni Ada Heshia na kanina lamang ay aming paksa. Siya nalang ang tuwa ko dahil sa matamis nitong ngiti nang lumapit. Pansin ko ang simpleng ayos lang ng kanyang buhok ngayon, nakapusod ng isahan sa likod. Pati ang kanyang kasuotan ay simple lang rin, para bang may gagawin siyang isang bagay at sa pamamagitan nito ay mas magiging komportable siya, kapares ang kulay tsokolateng bota. Ang ganda niya, para siyang dalaga.
"Ada.." pagtawag ko matapos siyang pagmasdan.
Nakangiti ako nang lingunin ko si Ama, sa yuswal na mala-haring tindig at ekspresyon.
"Hindi ka dapat na narito." aniya. Nanatili ang matamis na ngiti ni Ada, yumukod ito sa kanya.
"Mawalang galang na, kamahalan. Ngunit siguro ay hindi naman masama na manatili muna ako dito ng isang araw upang magpahinga." tugon nito. Magalang at may halong uyam ang kanyang tinig. Nanatili ang ekspresyon sa mukha ng Hari.
"Hindi pa ba pagpapahinga ang ginagawa mo noong mga nakaraang araw? Sa aking nakalap ay palagi ka lamang nakasubaybay at hindi ginagawa ang iyong trabaho sa yungib."
Napalabi si Ada at nagkibit balikat. Akala ko pa naman ay palagi siyang pagod, natawa tuloy ako sa loob ko. Baka ayaw niyang mainitan at mangitim ang maputi niyang balat.
"Ipagpaumanhin mo, kamahalan."
Maganda ang araw niya ngayon at hindi mapalis ang ngiti sa kanyang labi. Hindi nakakaramdam ng intimidasyon sa kaharap kahit na masama na ang tingin nito sa kanya. Tinignan niya ako,
"Kamusta?" tanong niya sa akin. Bahagyang umangat ang kilay ko.
"Nagtatanong ka na para bang ang tagal nating hindi nagkita," pero hindi ko rin maiwasang ngumiti, lalo pa't dama ko ang mapagbantang tingin habang kausap ko si Ada. "Mabuti po, Ada."
"Samahan mo akong maglakad." aniya. Nagtaka ako at ipinilig lamang ang ulo, "Wala akong gagawin sa araw na ito, gusto kong lumanghap ng hangin."
"Kung naroon ka ay marahil marami kang magagawa." Ang Hari ang tumugon, sinasalungat ang sinabi ni Ada.
"Sinabi kong gusto kong magpahinga." aniya sa kaswal na paraan. "Samahan mo ako, Serin." baling niya sa akin nang masaksihan ko ang pag-irap niya kay Ama.
"Hindi, may pinapagawa ako sa kanya." biglang sabi ng Hari. Kumunot naman ang noo ko.
"Wala po kayong pinapagawa sa akin." giit ko. Dahil sa pagkakatanda ko ay wala talaga siyang inutos sa akin. Matalim niya akong tinignan, ngumuso ako.
"Bakit tila ayaw mo akong makasama ang iyong anak?" buwelta ni Ada. Nakataas ang kilay.
"Ayokong maturuan mo siya ng mga hindi dapat." masungit na tugon ng aking Ama. Humalukipkip si Ada Heshia.
"Ano ba sa tingin mo ang maituturo ko sa kanya na hindi mo magugustuhan?" nanliliit ang mga mata niya.
Ako ay pabalik-balik ang tingin sa kanilang dalawa. Tahimik at pinagmamasdan kung paano sila magbangayan.
"Lahat ng kaugaliang mayroon ka." seryoso at malamig na sagot ng aking Ama.
Nahinto ang tingin ko kay Ada dahil hinihintay ko kung ano ang magiging reaksyon niya. Ngunit ngumiti siya ng pagkalawak habang nakatingin kay Ama.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...