"Ayaw ko sa puro satsat, Prinsesa ng Alteria. Masakit sa tainga ang puro salita lang, akala mo'y maganda iyong panlaban."
Noon pa man ay makikita na sa kanya ang pagiging maangas at mapangmaliit sa babae. Ganoon nga ang napansin kong turing niya kay Geneva noong sila'y bumisita sa aming palasyo. Paano pa kaya sa akin na hindi niya kilala?
"At ayaw ko rin sa puro yabang. Kung magsalita, akala mo'y puno ng kakayahan." ngumisi ako nang nakatalikod pa rin sa kanya.
Kung gusto niyang makatanggap ng matalas na salita, pagbibigyan ko siya. Nasa dugo yata iyon na ipinamana sa akin ng aking Ama.
"Ang lakas ng loob mo.." mabigat na ang presensya ni Zanard.
"Zanard, kalma..." awat ni Gwain kahit mukhang nasisiyahan naman ito sa nakikita.
Bumuntong hininga ako kahit puno pa rin ng galit ang dibdib ko. Lalo na sa tuwing sumasariwa ang kondisyon ni Lira na aking nadatnan. Magkagayunman ay kailangan ko talagang kumalma. Hindi dapat ako magpadala ano mang galit ang aking nadarama.
Kung sana'y madali lang silang kausap, hindi ako mapupuno. Subalit sinindihan nila ang mitsa ng aking mga apoy nang maramdaman ang kamay sa aking baywang.
"Bakit hindi natin ito pag-usapan ng masinsinan, Prinsesa? Nang tayo lang dalawa, ano sa tingin mo?" bumubulong si Zanard sa aking tainga habang ang kamay niya ay nasa baywang ko.
Ang mga kasama niya'y natuwa sa nakita, na ikinapuyos ko.
"Dinaan ko ang lahat sa mahinahong paraan, subalit kayo... sadyang mahirap pakiusapan." pumikit ako sapagkat nag-iinit muli ang aking mga mata.
"Nagugustuhan niya, Zanard."
"Kung ganoon, mas magiging mahinahon pa ang ating usapan, Prinsesa ng Alteria. Maraming silid kung saan maaari---"
Hindi ko siya pinatapos nang gigil kong pinilipit ang kanyang kamay na nasa aking baywang. Dumaing siya sa sakit ng aking ginawa. Naalerto ang kanyang mga kasamahan.
"Hindi ako nagtungo dito upang makipaglokohan. Binabalaan kita, Prinsepe Zanard. Oras na makapanakit pa ng mga Alterian ang inyong uri, patatalsikin ko kayo dito." at marahas kong binitawan ang kamay niya na mabilis niyang sinapo.
Dumadaing siya kasabay ng pagngingitngit.
Masama kong tinignan ang mga taong nagulat sa aking ginawa sa kanilang Prinsepe. Natuod sila at hindi makapaniwalang magagawa ko iyon. Matalim ang aking nga mata at nilampasan na sila.
"Isa kang hangal!" dumagundong ang galit na tinig ni Zanard.
Naramdaman ko ang pasulong mula sa aking likuran. Sinugod niya ako kaya mabilis akong tumagilid. Dumadaing pa rin siya dahil sa ginawa ko sa kamay niya. Sinubukan niya akong dakmain subalit maliksi akong nakaiwas. Mas lalo siyang nayamot dahil doon.
"Hangal na Prinsesa." sobrang sama ng tingin niya.
Ngumisi ako, "Ang huling nagsabi sa akin ng hangal, nabubulok na ang katawan sa kanyang libingan." giit ko. Kumunot ang kanyang noo. Lumawig ang aking ngisi, "Alam mo kung sino siya?" malakas ang loob ko nang lapitan siya kahit na sinugod na niya ako kanina.
Nilibot ko ang tingin sa buong bulwagan,
"Isa siya sa nagmamay-ari ng palasyong ito." huminto ang tingin ko kay Zanard. Ngumisi pa ako ng bahagyang manlaki ang kanyang mga mata.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...