Marahang nagmulat si Harrah. Marahan rin siyang tumayo at napahawak sa kanyang batok. Nakaramdam siya ng hilo at saglit pa niyang ipinikit ang mga mata, sa paraang iyon ay baka mapabuti ang nararamdaman niya. Ngunit mabilis pa sa ihip ng hangin na bumalik ang kanyang diwa nang masilayan kung sino ang nasa tabi niya.
"Eurron!" mabilis niyang hinawakan ang magkabilang balikat nito upang yugyugin. "Eurron, gumising ka.." paulit-ulit niyang tinatapik ang pisngi nito.
Ngunit ganoon na lamang ang panlalaki ng kanyang mga mata nang mapansin ang isa pang nakahandusay. Gumalaw si Eurron, senyales na nagkakaroon na ito ng malay. Hindi na hinintay pa ni Harrah na tuluyan itong magmulat at daglian niyang nilapitan si Serin.
"Serin.. Serin.." katulad ng ginawa kay Eurron, paulit-ulit niya rin itong tinapik sa pisngi nang isadlak ang ulo nito sa kanyang kandungan. "Prinsesa Serin.." labis na lamang ang pagkataranta ng kanyang tinig at kaba sa kanyang dibdib.
Sa isip ay marami nang pangamba ang nagliliwanag sa kanya. Anong kaparusahan ang naghihintay sa kanila oras na makabalik sila sa palasyo? Hindi nila nabantayan ng maigi ang Prinsesa. Si Eurron na tuluyan nang nakabawi ng diwa ay agad ding lumapit sa kanila. Nilabas ni Harrah ang kanyang salangkay at inikot-ikot iyon sa ere.
Nagbigkas siya ng salamangka. Umilaw ang bato sa salangkay niya at ang liwanag doon ay lumapat sa noo ni Serin.
"Akin na siya." Sabi ni Eurron nang lumuhod sa tabi niya.
Sa halip na gawin ang sinabi ng ginoo, napatingin dito si Harrah. Nasalubong naman iyon ni Eurron at nagkatitigan sila. Si Harrah ang agad na nag-iwas.
"M-magigising na siya. Hindi na kailangan." mahinang sabi niya nang tumingin sa mukha ni Serin na gumagalaw ang mga talukap.
"Prinsesa.." ani Eurron nang magmulat ito.
Isang beses pa siyang pumikit ng mariin bago tuluyang silayan ang kapaligiran. Tinulungan siya ni Harrah na makabangon.
"Ano ang iyong nararamdaman, Prinsesa?" nag-aalalang tanong ni Harrah.
Napahawak sa sentido si Serin at umiling. Tinignan niya ang dalawang kasama.
"K-kaunting hilo lang." mahinang tugon nito at nagpabalik-balik ang tingin kay Eurron at Harrah. "Kayo ba?" balik niyang tanong.
"Maayos kami. Ang inaalala ko ay ang iyong kalagayan." si Eurron ang sumagot. Tumingin dito si Harrah, pinakatitigan ang mukha ng lalaki bago muling mag-iwas. "Nakatitiyak ka bang wala kang ibang nararamdaman, Prinsesa?" paniniguro pa ni Eurron.
Umiling si Serin, "Wala. Maayos ako." tahimik niyang sagot. "T-tara na. Ipagpatuloy natin ang paglalakbay." saka siya tumayo at pinagpag ang kasuotan.
Kumunot ang noo ni Harrah nang may mapansin sa kanya. Agad siyang pumaharap kay Serin at pinakatitigan ito mula ulo hanggang paa.
"B-bakit?" nagtatakang tanong ni Serin. Mas lalong nag-isa ang kilay ni Harrah.
"May mali.." mahinang sambit niya at lumapit pa ng husto kay Serin. Sa ginawa niya ay napaatras tuloy ang Prinsesa.
"A-ano ang mali?" pagtataka nito at napatingin kay Eurron.
"Ang iyong mga mata, Prinsesa. Tila mapusyaw ang kulay..." marahang wika ni Harrah at mas pinakatitigan ang mga mata ni Serin. "Tiyak ka bang wala kang karamdaman?" nag-aalala nitong segunda.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...