"Masyadong maikli!" angil ni Lucas.
Nakaupo siya at nasa likod niya ang kanyang Ina na abala sa paggupit ng kanyang buhok. Hindi pa man nakikita, batid niya talaga na hindi kaaya-aya ang ginagawa ng kanyang Ina sa kanyang buhok. Padarag niyang inilalayo ang kagamitan na ginagamit nito sa kanya.
"Tama na nga!"
"Huwag kang malikot!" balik na bulyaw nito sa kanya. Hindi binibigyang pansin ang sinisilabang anak. Ngunit patuloy na naglilikot si Lucas upang pigilan ang Ina. "Isang galaw mo pa at gugupitin ko ang iyong tainga!" nauubusang pasensya na sabi ni Heshia.
Lukot ang mukha na nilingon ito ni Lucas. Hindi niya alam kung bakit binigyan niya ng kalayaan ang kanyang Ina na kalikutin ang buhok niya. Nagsisisi na siya sa mga oras na ito. Marami nang naputol dito at batid niyang maikli na ang kanyang buhok. Ngunit si Heshia ay patuloy lamang sa paggupit.
"Sige na, anak. Kaunti nalang." saka ngumiti sa kanya ang Ina ng malambing. Kinukuha ang loob niya.
"Tinitiyak ko sa 'yo, Ina. Hindi ako dudulog sa pagsusulit ng Sievahl!" angil niya at muling umayos sa pagkakaupo.
Hinayaan niya ang Ina na magpatuloy. Ngunit hawak niya ang kanyang salita at paninindigan niya iyon oras na makita niyang hindi maganda ang kalalabasan ng ginagawa nito.
"Huwag mo na akong sindakin. Dudulog ka sa pagsusulit. Ayaw mo man o gusto." mahinahon ngunit may awtoridad na balik ng kanyang Ina. Suminghal na lamang si Lucas at hinintay na matapos ito.
Ilang minuto pa ang tinagal niyon bago tuluyang pumaharap ang kanyang Ina sa kanya. Abot-langit na ang ngiti ng dating Arden sa kasilayan ng kanyang anak. Na ngayon ay hindi na maipinta ang mukha at nanatiling nakaupo. Hindi niya balak na silayan ang bagong disenyo ng kanyang buhok dahil batid niyang ikalulumo niya lamang ito.
"Tignan mo ang kinalabasan. Wala kang pagsisisihan." nagagalak na sabi nito at panandalian pang hinawi ang buhok ni Lucas. Nagtagal ang tingin niya sa mukha ni Lucas. Hindi mapawi ang kasiyahan sa kanyang mga mata habang nakatingin sa kanyang anak. "Napakaganda mong lalaki. Mahihigitan mo ang kahit na sinong Prinsepe." nakangiti nitong lahad.
Sa reaksyon ng kanyang Ina, tila ba kalugod-lugod talaga ang kinalabasan ng pagtatabas sa buhok niya. Sa kanyang isip, sana lamang ay kung ano ang nakikita niyang magandang reaksyon sa mukha ng Ina ay ganoon din ang maging reaksyon niya. Kaya upang mapatunayan iyon ay tumayo siya upang siyasatin ang kanyang repleksyon.
Mataman niyang sinusuri bawat anggulo ng kanyang ulo, hinahanap ang pagkakamali ng kanyang Ina. Ngunit 'ni isa, wala siyang namataan. Bagkus, ang kaninang bugso ng loob ay napalitan ng paghanga. Tunay ngang hindi lamang sa pakikipaglaban eksperto ang kanyang Ina, kun'di pati na rin kung paano magpaganda ng anyo.
Sapagkat hindi lamang ginupitan ni Heshia ang buhok niya, kun'di nilagyan pa ng disenyo ang pino niyang buhok na akmang-akma sa kanyang mukha. Lalo siyang nagmukhang matikas dahil nakahagod patalikod ang kanyang buhok na pinalitaw ang maaliwalas niyang mukha.
Nagugulat niyang nilingon ang Ina na abot-tainga ang ngiti.
"Naibigan mo o nagustuhan mo?" Tanong niya sa anak at tinabihan ito. Tinignan rin nito mula sa repleksyon si Lucas. "Bagay na bagay sa 'yo." inakbayan nito si Lucas.
"Paano mo ito ginawa? Ang ibig kong sabihin... nagkaroon ng bahagyang pag-alon ang aking buhok." aniya at sinuri bawat hibla ng buhok.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasiHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...