"Anak.." sa pagtawag niya sa akin ay kusa akong napahinto. "Paumanhin kung napasama namin ang iyong loob. At kung nasaktan ko ang iyong kaibigan."
Dama ko ang pang-aalo sa tinig niya kaya muli akong napaharap sa kanya. May hatid sa akin na ginhawa ang mga salitang iyon.
"Nakikita ko ang labis mong pagpapahalaga sa kanya. At ganoon din siya sa iyo. Aaminin kong nagkamali ako sa mabilis kong paghusga. Ngunit iyon ay dulot lamang ng aking pag-aalala sa iyo. Ayaw kong sumama muli ang loob mo sa amin ng iyong Ina sa loob ng mahabang panahon. Kaya nais kong bumawi sa paraan na ikagagaan ng iyong loob."
Madaling umalpas ang luha sa aking mga mata dahil sa paraan ng kanyang panunuyo sa akin. Kakaibang kakaiba sa malamig na Hari na aking nakilala.
"H-hindi na ho kailangan. Sapagkat ako rin ay may pagkakamali at pagkukulang. Aalis na ho ako."
"Hindi ko siya pinagbabawalan na layuan ka." doon ay para akong tanga na napaawang ang bibig. Hindi ako makapaniwala. "Hindi ako magiging makasarili. Napakasama kong Ama kung ilalayo ko sa aking anak ang taong nag-alaga at nagpahalaga sa kanya noong panahong siya ay nag-iisa at nagdurusa."
Hindi na napigilan ng aking mga luha sa pagdaloy dahil sa narinig. Lumuluha man ay hindi maitago sa dibdib ko ang kaligayahang humahaplos sa aking damdamin.
"S-sinasabi n'yo ba iyan dahil ayaw ninyong lumayo ang loob ko sa inyo?"
Bumuntong hininga siya, mas lumapit at hinawakan ang kamay ko.
"Sinasabi ko ito sapagkat nabatid kong masyado akong naging agresibo. Hindi ko dininig ang inyong paliwanag bago ko siya parusahan. Hindi ako naging makatuwiran..."
Napatingin ako sa kanya. Hindi ko alam ang itutugon sa kanyang sinabi. Inaamin niya ang kanyang pagkakamali na hindi ko akalaing sasabihin niya.
"Dapat ay sa kanya ninyo sinasabi iyan." giit ko. "Siya ang inyong pinarusahan dahil sa walang katuturang dahilan."
"Huwag mo nang idiin pa sa akin ang aking mababaw na pagkakamali." aniya.
Tumamlay ang mukha ko.
"Hindi iyon mababaw na pagkakamali!" angil ko. Inalis niya sa akin ang tingin. "Itinuturing mo iyong maliit na pagkakamali? Halos kitlan mo si Lucas ng buhay..." nanggigigil kong litanya.
"P-paano kung hindi ko kayo hinarang ng Meihr at dumikit sa kanya ang puting apoy? H-hindi ka makatarungan." kumibot ang labi ko sa aking hinaing.
Pabuntong hiningang binalik niya sa akin ang tingin. Tinitigan niya ang mukha ko na nagpipigil.
"Malaki nga iyong pagkakamali, batid ko. At kung tinamaan ko nga siya ng apoy ko ay pagsisisihan ko ng husto," mahinahong niyang wika. Yumuko ako at pinigilan ang mga luha. "Kaya patawarin mo na ako." utos niya na animo'y isa iyong simpleng salita. Magkagayunman ay batid kong sinsero siya sa paghingi ng tawad sa akin.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasíaHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...