Simula

747 21 0
                                    

Simula

Napangiti ako nang makalapag sa bungad ng Yosei. Inalis ko na ang mga nakaharang sa bawat bukana nito dahil hindi naman na ito ka-kailanganin. Ngunit ang mga nilalang ay nananatiling mabangis sa mga hindi nila kakilala. Kahit na nakatira na ako sa palasyo ay kailanman hindi ko sila kinaligtaang dalawin.

"Prinsesa Arden," si Dino, hinimas ko ang tiyan niya. "Ikaw tulog gubat?" tanong niya,

"Hindi, Dino. Binisita ko lang kayo." palagi niyang tinatanong ang bagay na 'yan sa akin.

Ngunit kahit na gustuhin ko ay hindi ko na magawa sapagkat ang Reyna ay nagiging istrikto sa akin sa mga ganitong bagay. At dahil sa nais kong maging isang masunurin na anak, sumusunod ako.

"Kailan tayo sama ulit?" si Roco naman ang nagtanong.

"Magkasama naman na tayo. 'Yon nga lang ay hindi na magiging tulad ng dati dahil nakatira na ako sa palasyo." paliwanag ko.

Kahit na malalaki ang kanilang mukha ay pansin pa rin ang lungkot dito kaya natawa ako. Hinimas ko ang ulo ng warg na nakaupo malapit sa upuan ko.

"'Wag na kayong malungkot. Palagi naman akong dumadalaw." giit ko at sinandal ang sarili bago pumikit.

"Kami gusto bantay Prinsesa Arden. Arden Heshia gusto rin bantay."

Ang mga nilalang na ito ay talaga nga namang mapagpahalaga sa amin ni Ada Heshia. Pumupunta din siya dito pero hindi kasing-dalas ng pagpunta ko. Mayroon kasi siyang pinagkaka-abalahan na inutos ng Hari sa kanya.

Aaminin kong naging nakakabagot ang mga lumipas na araw. Wala akong ginawa kun'di manatili ng manatili sa palasyo. Si Lucas ay mas lalong nagiging abala sa Vercua at pinag-iigi ang pagsasanay. Si Ada Heshia ay hindi ko na rin masyadong nakakasama. Si Kiana naman ay hinahayaan kong lubusin ang oras na kasama si Amiel.

Kaya heto ako ngayon, nagliliwaliw mag-isa. Mabuti nga ay hinahayaan lang nila akong umalis nang walang kasamang kawal.

Nabasag ang pagmumuni-muni ko nang nakadinig ng malakas na pagbagsak.

"Ano 'yon?" nakita ko ang mga warg na nagtatangis ganoon na din ang mga ogre. Mabilis na tumakbo ang mga ito kung saan kaya naman sinundan ko sila.

Marahil ay may naamoy silang hindi kaaya-aya. Dahil sa mabibilis sila ay nahuli ako. Nakita ko nalang ang nga ogre at warg na nakumpol-kumpol habang naglalabas ng mabangis na tunog. Para bang may kaaway ang mga ito.

"Lumayo kayo!"

Nagpang-abot ang kilay ko nang marinig iyon. Isang tao? Mas binilisan ko pa ang paglapit sa mga ito. Nagiging malinaw sa akin ang isang pigura kahit na napapalibutan pa nila ito.

"Sinabing lumayo kayo!"

Napasinghap ako nang makita ang isang warg na tumalsik at tumama sa punong kahoy. Dinig ko ang pag-ungol nito dahil sa sakit. Mayroon pang sumunod na isang warg ang tumilapon. Dahil dito ay tila natakot na silang lapitan kung sino man ang taong 'yon.

"Ang susunod na lalapit ay tatanggalan ko ng ulo."

Ang narinig ko ay nakakapang-init ng ulo. Isa siyang babae. Babaeng may hawak ng patalim at nakaamba sa mga nilalang. Hindi ko nagustuhan ang narinig kong sinabi niya sa mga alaga ko.

"Sino ka?" dahil sa nakatalikod ay humarap siya sa gawi ko.

Bakas ng gulat ang kanyang mukha at talaga namang tinignan pa ako mula ulo hanggang paa. Kalauna'y naging maigting na ang pinakita nitong emosyon at sa akin na itinutok ang patalim.

Winged (Sequel To Serin Of Alteria)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon