Masyado kaming natagalan sa pananatili sa Yosei. Maliwanag pa nang kami ay umalis ng palasyo, ngunit ngayon ay dapit-hapon na. Hindi naman kami nagtagal sa pag-uusap, kaya marahil ay ang pagtulog ko at kawalan ng kamalayan ang umubos sa oras at hindi ko na napansin ang tinagal namin doon. Naging normal ang aming pag-uusap, hindi na binanggit ang kanina lang na nangyari. Marahil ay naramdaman niya din na baka hindi ako maging komportable.
"Babalik ka ba sa Vercua ngayon?" Kusa akong bumaba kay Puti, hindi na hinintay na alalayan niya ako.
"Bukas na, dito ako magpapalipas ng gabi." sunod siyang bumaba, tahimik naman akong tumango. "Ihahatid na kita," hinayaan kong isiklop niya ang kamay sa akin.
"Halos gabi na, bakit hindi mo ako ginising? Masyado tuloy natagalan ang aking tulog."
"Mabigat ang paghinga mo, at mukhang pagod ka kaya hindi kita inistorbo."
Aaminin kong nagkaroon ako ng sapat na pahinga doon kahit na wala naman akong ginawa upang ikapagod ko. At ngayong gabi, batid kong hindi agad ako makakatulog. Hindi ako dadapuan ng antok.
Wala nang sumunod pang salita at tahimik kaming pumasok sa sentro. Mas binigyan ko ng kasiyahan ang damdamin na nagtapos ang araw kong kasama siya. Mas nangibabaw pa rin ang mala-alapaap na pakiramdam dahil nagkaroon ako ng oras na makasama siya. Tiningala ko ang mukha niya, napansin niya iyon at tumingin din siya.
"Salamat, masaya akong nakasama kita." nakangiti kong sabi. Ginantihan niya ako ng ngiti.
"Ano mang oras, alam mong nandito lang ako para sa 'yo." malumanay na aniya at bahagyang pinisil ang pisngi ko.
Humarap ako sa kanya, tinignan ang kamay naming magkahawak. Sinubukan ko na iyong kalasin, ngunit mas humigpit lang ang hawak niya. Hindi ko na iyon nagawang tignan nang itaas niya ito upang halikan.
"Lucas, bakit mo 'to palaging ginagawa?" wala sa sariling tanong ko.
"Simbolo ng aking respeto at paggalang sa iyo. Hindi lang bilang isang Prinsesa, kun'di bilang isang binibini."
Napangiti ako sa maginoo niyang salita. Hindi ko tinignan ang kanyang mukha, nakatunghay lamang ako sa kanyang dibdib na kapantay ng aking mukha. Pansin ko ang pagkalukot ng damit niya, na siyang ako rin ang may gawa. Kaya naman inayos ko iyon at pinatag.
"Narito na pala sila."
Gumawi ang paningin ko sa nagsalita. Si Ser Lumnus kasama ang isang taong hindi ko lubos akalaing naririto sa palasyo.
"Lucas!" agad nitong hinakbang ang espasyong nakalaan.
Dinamba si Lucas ng yakap. Kusang binitawan ni Lucas ang aking kamay upang magantihan ito. Ang kasilayan ay tila isang bomba na sumabog mula sa malayo, at natalsikan ako ng mga pira-piraso na siyang tumusok sa damdamin ko.
"Liliana.." para bang sabik na sabik sa isa't-isa at hindi pa nila nagawang kumalas. Mas lalo akong dinumog ng emosyon nang maalala ang huling pangyayari noong sila ay huling magkasama. "Kamusta ka?"
Kusa akong humakbang paatras upang mabigyan sila ng espasyo.
"Maayos ako, lalo pa't ngayon ay nakita kitang muli." bakas ang galak at kasiyahan sa tinig ng babae.
"Talaga? Mabuti naman kung ganoon." nakangiting tugon ni Lucas. Hindi pa nakuntento sa unang yakap at muli ulit silang humagkan sa isa't-isa.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...