Kabanata 31

192 12 0
                                    

Naging matagal ang pagtitig ko sa larawan. Kinakabisa ang kanilang marikit na mukha, na mayroong pilat. Hindi ko mawari kung ano ang bigat sa loob na kanilang pinagdaanan noong naganap ito. Hindi ko naisip na mayroon silang karahasang dinanas, tulad ko.

Nalulungkot na hinaplos ko ang kanilang mukha. Hinabol ako ng konsensiya at panghihinayang. Mabilis akong tinamaan ng pagsisisi kung paano ko sila pagtabuyan noon, kung paano ako nagbitiw ng masasakit na salita. Kinamumuhian ko ang sarili dahil doon.

"B-bakit po hindi nila o ninyo nagamot?" tanong ko.

Ang tingin ay nasa larawan pa rin. Nakapagtataka na lahat sila ay magigiting na manggagamot ngunit hindi napaghilom ang sugat ni Ina at Ada.

"May kakaiba sa apoy na siyang pumigil sa amin upang mapaghilom ang kanilang sugat. Wala kaming nagawa kun'di lumikha ng lunas upang kahit papaano'y maibsan ang sakit na kanilang dinaramdam." bakas din sa tinig ni Lady Caelia ang dismaya at panghihinayang.

"Hindi po ba itim o puting apoy iyon?" wala sa sarili kong tanong sapagkat ang dalawang apoy lang naman na iyon ang kakaiba sa lahat.

"Hindi. Kung itim o puting apoy nga iyon, tuluyan nang hindi maghihilom ang kanilang sugat. O marahil ay ikinamatay na nila kung iyon nga."

Napabuga ako ng hangin. Tama nga si Lady Caelia.

"Salamangka, orasyon o mahika. Hinaluan iyon." giit ko.

Maliban sa itim at puting apoy, wala nang iba pang kakaibang kapangyarihan na labis ang pinsala. Maliban nalang kung hahaluan iyon ng makapangyarihang salita. Bakit kaya hindi nila binabanggit sa akin ang tungkol sa bagay na ito? 'Ni isa ay hindi sila nagkuwento.

"Tama ka. Sapagkat sinadya ang nangyari."

Nagugulat ko siyang tinignan.

"Po?"

"Mayroong nagtangka sa Peryvell. Sinadyang pasabugin. Nahuli ni Heneral Eddard, subalit bago niya pa iyon malitis, nagpatiwakal ang lalaki kaya walang nakuhang sagot kung sino ang may pakana."

Kumuyom ang mga palad ko. Kahit na wala pa ako noon, nakakaramdam ako ng galit kung sino man iyon.

"Hanggang ngayon po ba ay hindi ninyo napag-alaman kung sino?" nag-angat ako ng tingin sa kanya.

Bahagya niya lang akong nginitian ng malungkot.

"Maraming angkan ang nagkukubli ng inggit sa mga Fyenelle. Walang salita ang maglalarawan sa kanila kun'di perpekto kung kaya't maraming nagkikimkim sa kanila ng panibugho." sumulyap siya sa kanyang likod kung saan naroon ang malaking larawan.

Kumpleto sila roon, si lolo at lola, kasama si Ina at Ada. Sa sulyap pa lamang sa larawang ito ay masasabi kong sila nga ay perpekto. Sa kanilang wangis pa lamang, kusa nang masasabi ng aking bibig na sila ay huwaran.

"Sa tingin n'yo po, anong angkan ang gumawa niyon?" sinalubong ko ang malumanay na mata ni Lady Caelia. Nasiglawan ko roon ang panlulumo. Inilingan niya ako.

"Matagal na panahon na iyon, Prinsesa. Nakaahon na ang Peryvell sa dagok, lalo na ang iyong Ina at Ada." malungkot ulit siyang ngumiti matapos. Wala siyang binigay na sagot sa aking tanong.

Winged (Sequel To Serin Of Alteria)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon