Kabanata 72

250 11 4
                                    

Madilim na ang mukha ko ngunit pinanatili ko ang aking emosyon na kalmado. Marahil ang mali ko ay hindi ko agad nasabi sa kanila na wala pa akong katipan. Nasaktan ko si Lucas sa pag-iisip ng maling akala. Uunawain ko nalang siguro sila gayong magulang sila ni Lucas at ayaw nila itong masaktan.

Subalit sa kabilang bahagi ng puso ko ay nagdadamdam ako. Nasabi nila ang mga iyon sa harap ko, na hindi man lang tiniyak kung may katotohanan ba. Na hindi man lang inisip kung ako'y masasaktan ba.

Iniwan ko si Lucas na natuod roon. Bumaba ako sa malaking hagdan na parang walang nangyari. Hawak ko sa isang kamay ang kopita, at ang isa ay dumudulas sa makinis na barandilya.

Nakasalubong ko si Zelle sa hagdan. Natuod ito at nagugulat pa rin dahil sa ginawa ko kay Lucas.

"B-bakit mo iyon ginawa?" nag-aalangan niyang tanong nang lampasan ko siya ng isang hakbang.

"Kukuwestiyonin mo ba ang aking aksyon, binibini?" malamig kong sabi at taas noong tinignan siya.

Napalunok siya bagamat may katatagan ang kanyang ekspresyon.

"Mawalang galang na, mahal na Prinsesa. S-subalit, hindi mo dapat sinaktan si Lucas."

Luminya ang aking labi sa sinabi niya. Binalikan ko ang isang hakbang na pagitan namin upang kami ay magkapantayan. Nakita ko sa itaas na tila naalarma ang mga tao nang gawin ko iyon. Lihim akong ngumisi.

Isa akong Prinsesa. Wala sa dugo ko ang paglikha ng eskandalo dahil sa walang katuturang bagay.

Tinignan ko si Zelle, may bahid ng pag-aalangan sa kanyang mukha. Ngunit malaki ang bahid ng katatagan. Gusto ko 'yon. May katapangang ipinapakita.

"Bakit hindi?" matamis kong tanong.

Sumulyap si Zelle kay Lucas na noo'y nagmamadaling humakbang pababa.

"Hindi siya karapat-dapat sa iyong pananakit, kamahalan." malakas ang loob niyang sabihin iyon. Nanatili akong kalmadong nakangiti ng matamis. "Sobrang hirap na ng pinagdaanan niya dahil sa iyo. Kaya huwag mo nang dagdagan iyon." naging mariin siya sa huling grupo ng salita.

Tinitigan ko siya, nakangiti ako at hindi pinakitang pinang-initan ako ng ulo.

"Zelle!" angil ni Lucas na narinig ang mga sinabing iyon ni Zelle.

"Sinasaktan mo na siya. At ngayon ay sinaktan mong muli siya.."

"Gusto mong saktan din kita?" malamig kong buwelta.

Namilog ang kanyang mga mata at natigilan. Hindi niya nasundan ang sinabi kaya humalakhak ako. Sinulyapan ko si Lucas na kapwa ni Zelle natigilan. Sumimsim ako sa kopita at binalik kay Zelle ang atensyon.

"Biro lang." gumuguhit ang madilim na ngiti sa aking labi.

Tinitigan ko siya mula ulo hanggang paa. Nanigas siya sa kanyang kinatatayuan. Lumawig ang aking ngisi at mas nilapitan ko pa siya.

"Iyong iyo na siya, binibining Zelle. Iuwi mo sa Dahlia at pakasalan. O kung nais mo, ako mismo ang magbigkis sa inyo.." marahan kong sinambit.

Sapat upang marinig ni Lucas. Tinignan ko siya na noo'y natigilan. Kitang-kita ko ang takot sa kanyang mga mata. Kahabag-habag kung paano kumibot ang kanyang labi. Tinaasan ko siya ng kilay.

Binalikan ko ng tingin si Zelle. Nginitian ko siya ng matamis. Ipinilig ko ang ulo at kunwaring inabot ko sa kanya ang aking kopita. Pansin kong napalunok siya at hindi ako magawang tignan nang diretso.

Winged (Sequel To Serin Of Alteria)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon