"Nasaan si Ama?" tanong mula kay Lucas nang alalayan din siya ni Heshia sa pag-upo. Natawa siya sapagkat sa mga oras na ito ay tinatrato siyang supling ng kanyang Ina. Hindi siya umaalma sapagkat aaminin niyang nasasabik siya sa mga ganitong bagay.
Kaarawan niya ngayon, at narito ang kanyang Ina na inaasikaso siya. Sa loob ng dalawampung taon ay hindi niya ito naranasan dahil ang kanyang Ama lamang ang siyang katuwang niya noong mga panahong iyon.
"Alam niyang masama pa rin ang loob mo sa kanya, kaya 'ayun, inaabala ang sarili." buntong hiningang tugon ni Heshia nang maupo sa tabi niya.
"Mas inuna niya pa ang nararamdaman kaysa sa aking kaarawan." singhal ni Lucas.
"Huwag ka ngang umasta na animo'y bata! 'Kala mo hindi ginoo." asik sa kanya ni Kiana.
Sinamaan niya ito ng tingin, "Kung makapagsalita, 'kala mo'y hindi humagulgol na animo'y batang inaway ng kalaro." balik na ganti ni Lucas at nginisian ito.
Ngumuso Kiana at inirapan siya. Binalingan niya si Diwani Eleanor.
"Salamat para dito, nag-abala pa kayo, Tiya." nakangiti niyang hayag.
"Dati na kitang pinagluluto tuwing iyong kaarawan, hindi ba? Wala nang bago dito." natatawang sabi ni Diwani.
Ngumiti si Lucas nang inaalala ang mga kaganapan noong mga lumipas na taon. Dahil kay Serin, nararamdaman niya pa rin ang kalinga ng isang Ina sa Diwani sapagkat tuwing kaarawan niya'y pinapapunta siya ni Serin sa kanilang tahanan doon sa bayan. At doon ay si Serin mismo ang magpapaluto sa kanyang Ina upang maging handa para kay Lucas.
"Subalit isa ka pong Diwani, sa tingin ko'y hindi kaaya-aya na gawin mo pa ito para sa akin."
"Itong batang 'to, hindi ka na iba sa akin." malugod na sabi ni Diwani Eleanor. Nadagdagan lamang ang galak sa puso ni Lucas.
"Bakit wala si ate Serin? Hindi mo po ba siya tinawag, kuya Lucas?" inosenteng tanong ni Lira.
Naglapat ang labi ni Lucas nang tignan ang bata. Hindi niya nakalimutan si Serin at kung tatanungin ay si Serin pa mismo ang unang tao na pumasok sa kanyang isip sa araw na ito.
"Huwag mo munang hanapin si Serin, munting Waegun." giit ni Heshia.
"Bakit po? Nalulumbay na ako sa kanya at hindi ako kakain kung wala siya!" ngumuso ang batang Waegun at humalukipkip na sumandal sa upuan.
"Aba, 'di huwag kang kumain. Walang pipilit sa 'yo!" pinandilatan siya ni Heshia.
"Ina, pati ba naman bata ay papatulan mo?"
"Maldita, e." giit ni Heshia.
Natawa si Lucas at tinignan si Lira na nakangusong nakatingin kay Heshia.
"Pareho kayong maldita." komento niya at nag-umpisang kumain.
"Bakit nga ba wala siya? Hindi pa rin kayo magkaayos?" bigla ay sambit ng Diwani.
Natigil sa pagnguya si Lucas.
"Kasi po... ano.."
"Hayaan mo at ako na ang pupunta sa kanya. Alam kong hindi nalang kayo nagkakaunawaang dalawa." malumanay na wika ng Diwani. Sinundan siya ng tingin ni Lucas nang tumayo ito upang lumabas.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...