Matapos magkaroon ng pagpupulong kasama ang aking mga magulang ay nagkaroon ng salo-salo sa hapag. Iyon ay dahil sa pagbisita ng isang Diwani. Tumanggi si Ina at sinabing huwag nang bigyan pa nang ganoong paggunita ang pagbisita niya ngunit ang Hari ay namilit dahil daw hindi niya ito naharap noong huli niyang bisita dito sa palasyo.
Hanggang ngayon ay narito pa rin ang paninibago sa akin. Kung paano siya maging pormal at eleganteng kumilos. Maingat na siya sa paggalaw noon pa man, pansin ko iyon noong naroon pa kaming dalawa sa bayan. Ngunit ngayon ay ibang-iba, lalo pa't ang kanyang ayos at kasuotan ay talagang pang isang pinuno.
Manipis ang suot niyang tiyara na humambing sa ayos ng buhok niya na nakaikot sa kanyang ulo. Simple lang ang tiyara ni Ina, maliliit ang hiyas ngunit makinang ang kislap. Mukha siyang mahiwaga dahil ang suot niyang puti at kulay rosas na seda ay nagbibigay din ng kaunting liwanag. Napakaganda ni Ina.
Isa siyang normal na Ina na tila palaging pagod. Iyong humaharang ang mga buhok niya sa mukha dahil sa mga gawaing bahay. Tapos ang mga sinusuot niya noon ay mga lumang damit, lukot lukot pa ang mga iyon. Na kahit isa pala siyang Diwani ay hindi siya maarte sa paghawak ng mga basahan o marurumi kong damit.
Kaya ang mga kamay niya ay gumagaspang dahil minsan ay hindi niya ako pinahihintulutan sa mga gawaing bahay. Ayaw niya akong mapagod at talagang Prinsesa ang turing niya sa akin na kanyang pinagsisilbihan.
Iyon ang ikinalulugod ko, pinalaki niya akong simple at ordinaryong tao. Hindi niya ako nilunod sa luho. Kaya ang buhay ko ngayon ay napakalaking salungat sa buhay ko noon. Hindi niya hinayaang maging mata-pobre ako.
"Titignan mo nalang ba ang pagkain na nakahain, Prinsesa?"
Katabi ko siya sa upuan kaya madali niyang napansin na hindi ko pa nagagalaw ang aking pagkain. Abala ako sa pagbabalik tanaw.
"Hindi po ako nagugutom." nakangiti ako ng bahagya. Hindi ko naman talaga nais makisama sa hapag na ito ngunit ako ay pinilit lang rin ni Ina.
"Kumain ka at ubusin mo ang nasa iyong pinggan. Sige na." tinanguan niya ako.
Napanguso naman ako. Sa kanyang ugali, ayaw niyang may natitirang pagkain sa aking plato. Bawat butil ng pagkain ay mahalaga para sa kanya.
"Hindi mo po kailangang gawin iyan." napakamot ako sa noo dahil sa ginagawa niya.
Ipinaghihiwa niya ako ng karne tapos ay siya pa ang naglagay ng inumin sa aking baso. Hindi ko alam kung matatawa o mahihiya ako sa ginagawa niya.
"Hindi ka tatayo nang hindi mo iyan inuubos."
"Ina.." natatawa kong sambit nang pigilan ang kamay niya. "Kakain na ako. Tama na 'yan." dagdag ko pa. Sumusuko dahil hindi siya titigil na paghiwaan ako ng pagkain.
"Ako nalang po ang pagsilbihan mo, Diwani. Ayaw na ni ate Serin sapagkat malaki na po siya."
Natawa ako sa tinuran ni Lira. Sa huli ay ginawa nga ni Ina ang kanyang nais. Nahagip ko ang Reyna na noo'y hindi nawaglit sa akin ang tingin, sa amin ni Ina.
"Ano't si Diwani Sabrina ay hindi man lang dumalaw dito, Diwani Eleanor? Minsan ay nais ko rin siyang maka-kuwentuhan." aniya sa malamyos niyang himig.
"Alam mo naman ang isang iyon, mahal na Reyna. Tamad iyong lumipad. Hayaan mo't makakarating sa kanya ang iyong sinabi." nakangiting sagot ni Ina sa aking Inang Reyna. "Ngunit ipinararating niya rin ang kanyang pangangamusta. Sa inyo ni Eowyn."
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...