Kabanata 61

186 13 1
                                    

Nangangatal ako. Nanghihina. Hindi ko na mapirmi ang utak upang gamutin siya. Ginawa ko naman, lahat ng sugat niya ay sinubukan kong gamutin. Ngunit malakas ang aking panginginig, matindi ang aking emosyon upang makuha ang konsentrasyon. Humikbi ako ng humikbi. Tumatangis, naghihinagpis.

"L-Lucas.. L-Lucas.."

Animo'y mawawalan na ako ng ulirat. Sobrang sakit. Nag-umpisa akong magdusa, mahinang deperada. Wala na akong pakialam sa paligid. Sumigaw ako ng sumigaw nang hindi ko magawang gamutin ang malaki niyang hiwa sa mukha. Mula sa noo, dumaan sa pagitan ng kanyang kilay, ilong at umabot hanggang kanang pisngi niya ang malaki at batid kong napakalalim na sugat.

"Eurron, s-si Lucas. S-si Lucas.."

"Huminahon ka, Prinsesa. Hindi mo siya magagamot kung pinangingibabawan ka ng silakbo."

Umiling ako ng umiling. Nanginginig at nagtatagis. Natataranta ako at kinakabahan. Natatakot at malapit ng malugmok. Nawawala na ako sa sarili. Nilapat ko ang aking mga palad sa kanyang dibdib.

Punong-puno ako ng dugo. Punong-puno siya ng dugo. Mga dugo namin ay naghalo.

Narinig ko ang galit ni Ada Heshia. Pinulot niya ang espada ni Lucas at sinugod si Zanard na malapit nang bawian ng buhay dahil sa ginawa ko. Hindi ko na naramdaman ang galit ko. Purong hinagpis ang siyang lumukob sa loob ko. Nanlalabo ang aking paningin dahil sa luha.

Namalayan ko nalang na hindi nalang kami ang narito. Maraming mga kawal. Marami. Subalit walang magagawa ang dami nila sa kalagayan ngayon ni Lucas. Nakita ko si Ser Lumnus na inawat si Ada Heshia na handa na sanang tapusin si Zanard.

Magulo na. Lumapit sa akin ang napakaraming kawal ng Alteria. Pulos 'Prinsesa' ang naririnig ko sa mga bibig nila. Inilayo nila ako kay Lucas kahit ayaw ko. Mahigpit ang hawak ko sa kamay niya, ayaw ko siyang bitawan. May bumuhat sa akin na batid kong si Eurron. Pinilit nilang kalasin ang kamay ko kay Lucas.

Nanghihina ako subalit buo ang loob ko. Nawalan ako ng malay dahil sa mabigat na pighati at idagdag na rin ang kalagayan ng katawan ko.

Ang mga bagay na iyon din ang siyang gumising sa diwa ko. Pagmulat ko ay naroon na kami sa palasyo. Aligaga ang lahat. Nag-aalala sa akin. Subalit wala akong pakialam. Si Lucas ang kailangan kong pagtuonan.

"Lucas!"

"Huminahon ka, Serin!" asik ni Ama nang magpumiglas ako at kumawala kay Eurron.

Maraming tao sa palasyo. Hindi ko inaasahan na narito ngayon sina Lady Lijhen, Stefan at kapitan Moyu. Lahat sila ay natataranta sa kalagayan ko. Nakita ko ang katawan ni Lucas na buhat nila. Lalo akong nagpumilit na kumawala sa kanila. Nakalimutan kong sugatan din ako at nagdurugo.

"L-Lucas!" tinulak ko sila na humaharang sa akin. Namanhid na yata ako sa sakit.

"Malubha siya."

Naghuhumiyaw ako ng husto nang marinig ang sinabi ni Ada Eowyn. Parang mawawala ako sa sarili at pinagtutulak ko silang lahat maging si Ina. Walang nang mapaglagyan ang emosyon ko kaya idinadaan ko nalang sa pag-iyak at pagwawala. Gusto kong lapitan si Lucas. Iyon lang ang gusto ko.

"B-bitiwan n'yo ako! Gagamutin ko si Lucas!"

"Serin, pakiusap. Kumalma ka, mahal ko." sinusubukan akong hawakan ni Ina ngunit naging marahas ako sa kanila. "Kailangan mong magamot. Malalim ang iyong mga sugat!" galit na niyang bulyaw.

Winged (Sequel To Serin Of Alteria)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon