Mula sa pagtalon hanggang sa paglubog ay hindi niya binitawan ang kamay ko. Talagang siniguro niya na hindi ako mahihiwalay sa kanya sa ilalim. Akala ko'y mapayapa na sa ilalim ng tubig, subalit tuloy-tuloy din ang pag-ulan ng mga naglalakihang tipak ng bato.
Bumubulusok iyon na kung hindi namin iiwasan ay tiyak na basag ang bungo naming pareho. Kaya sa halip na lumutang na upang kumuha ng hangin, hinila lang ako ni Lucas upang lumangoy palayo sa parteng tinatamaan ng mga bato. Sobrang lalim ng karagatan.
Kung dati ay tumalon ako dahil sa labis na pagdurusa sa aking buhay. Ngayon ay tumalon ako kasama ang taong nais kong makasama sa aking buhay. Hindi ko alam kung saan ko nahugot ang lahat ng lakas na nagamit ko sa araw na ito. Gayong kailan lamang nang tila humiwalay sa akin ang diwa ko.
Imposibleng wala akong nararamdamang sakit at panghihina, subalit ganoon talaga ang nararamdaman ko sa mga oras na ito. Parang wala akong pinagdaanan.
Sobrang lalim ng hinugot kong hininga nang makakuha ng tiyansa. Ganoon na rin siya.
"Ayos ka lang?" hinihingal at nag-aalalang tanong niya.
Tumango ako, "Ikaw?"
"Ayos lang." sabay kaming lumingon sa pinanggalingan.
Gusto kong humanga kasabay ng pagtataka, sapagkat ang layo nang nilangoy namin! Paanong nakaya namin iyon pareho na pigilin ang paghinga sa ilalim ng tubig? Hindi ko na napansin kung ginamit niya ang kakayahan niya sa tubig upang magawa namin iyon. Napatingin ako sa kanya nang hapitin ulit niya ako.
"Ano?" kumunot ang noo ko.
"Naudlo!" asik niya.
Pinamulahan ako ng pisngi sa ibig niya. Oo nga pala, hindi natuloy ang dapat naming gagawin dahil biglang lumindol sa tore. Biglang nalinawan ang isip ko at ngayon ay nahihiya na ako na gawin iyon. Talagang hahalikan ko siya?
Hindi ba iyon kasiraan sa aming pagkakaibigan? Subalit alam ko naman na higit pa doon ang nararamdaman ko sa kanya. Ganoon din siya sa akin. Kaya kung hahalikan ko siya, ibig sabihin lamang na binasag na namin ng tuluyan ang pader na humaharang upang makatuntong kami sa pangalawang hakbang. Lumulutang kami sa ibabaw ng karagatan. Walang ibang tao kun'di kami lang.
"Nilalamig ako..." iyon ang nasambit ko.
Bumalatay ang dismaya at inis sa mukha niya. Ngunit nanlambot iyon nang tumingin siya sa lantad kong balikat. Subalit ako ay walang pinatakas na segundo upang iwaglit sa mukha niya ang aking paningin.
Hindi ko alam kung ang lakas ba ng tibok ng aking puso ay dulot lamang ng pagod sa paglangoy, o dulot ng sobrang lapit ng katawan ko sa kanya. Pareho naman kaming hinihingal, subalit sa palagay ko'y dapat ay mapayapa kahit papaano ang puso naming dalawa.
Sapagkat ramdam ko rin ang dibdib niya. Ang pagtibok ng puso niya. Titig na titig ako sa kanya, bumaba ang tingin ko sa kanyang manipis na labi. Bakit ko aaksayahin ang pagkakatong nakalaan? Humaplos ang daliri ko sa ibabang labi niya.
"Gusto kitang halikan, Serin."
Nakatingin lang ako sa labi niya kaya kitang-kita ko ang paggalaw niyon habang nagsasalita siya.
Ngumiti ako at sinampay sa matikas niyang balikat ang aking mga braso. Hindi ako nagsalita. Bagkus ay inangat ko ang sarili upang mahalikan siya sa noo. Natawa ako sa reaksyon niya nang tignan ko siya. Bago siya makapagsalita ay pinatakan ko rin ng halik ang isa niyang mata, saka 'yung isa pa. Ginagaya ko lang ang ginawa niya sa akin noon sa Yosei. Nahalikan ko na siya sa kaliwang pisngi at kanan.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...