Wakas

402 20 11
                                    

Buong gabi kong pinagmamasdan ang singsing na nakaikot sa aking daliri. Hindi matawaran kung anong klaseng kaligayahan ang natamasa ko ngayong araw. Umuulit sa akin ang naganap, kung paano siya magbitiw ng salita, kung paano niya iparamdam na ako na talaga ang babaeng hinahangad niya, at kung paano siya lumuhod sa harap ko upang alukin ako sa bagay na tuluyang makapagbabago sa aming buhay.

Hindi nabura ang ngiti sa aking labi. Ito na ang pinakamagandang natanggap ko. Ang singsing na ito, simbolo nang kanyang panata na pakakasalan niya ako. Na malugod kong sasalubungin ng matamis na oo.

Ngunit ngayon, hindi ko alam kung paano ko sasabihin kay Ama at Ina na inalok na ako ni Lucas. Paano ko nga ba sasabihin? Ayokong sumama ang loob nila, sapagkat naroon si Ina Eleanor, Ada Heshia at Ser Lumnus ngunit sila ay wala. Ayokong bumigat ang loob nila sa pag-iisip na hindi namin kinonsidera ang damdamin nila bilang aking magulang.

Baka magalit pa nga sila sa akin, lalo na kay Lucas dahil siya ang nagplano ng lahat. Paano ba ito? Kakausapin ko sila.

Ngunit kasi.. sabi ni Lucas..

"Sila sila muna ang makakaalam. Huwag na muna nating iparating sa iyong magulang." sinabi niya bago kami maghiwalay kanina.

"Bakit naman? Ayokong ilihim sa kanila ang bagay na ito, Lucas."

Ngumiti siya at hinaplos ang aking noo, "Hindi naman natin ililihim. Basta magtiwala ka lang sa akin, hm?" mapanuyo niyang sabi.

Ano bang nasa isip niya? May tiwala ako sa kanya at sa kung ano man ang plano niya sa buhay. Ngunit makokonsensiya kasi ako kung hindi ko sasabihin lalo na kay Ina.

Tinignan ko ang aking daliri, ang aking singsing. Kahanga-hanga ang pagkakalikha nito. Buong pakpak siya na inikot upang maging singsing. Bakit ganito kaya ang ibinigay niya? Hindi ko na siya natanong kung siya ba ang gumawa. Masyado akong nahalina sa mga kaganapan kaya hindi na ako umusisa.

Ngunit napakaganda nito at tamang-tama ang sukat sa daliri ko. Kumikislap pa siya, at nagliliwanag kung medyo madilim ang kinaroroonan ko. Kung tititigan ng mabuti sa malapitan, marami itong mumunting diyamante. Hindi lang halata 'pag sa malayo kaya masasabing simple. Ngunit sa malapitan, mapapahanga talaga sa ganda.

Napangiti ako. Talagang hinambing niya ang lahat sa pakpak. Naalala ko, ginawa'n niya rin pala ako ng trono sa palasyo na pakpak din ang tema.

"Nagustuhan mo?"

Kasama ko ngayon si Ada Heshia. Ewan ko kung ano ang pinunta niya dito sa aking tanggapan. Napansin niya na nakatitig lang ako sa singsing na bigay ng anak niya.

"Gustong-gusto..." ngumiti ako.

Nakita kong gumalaw ang labi niya at tinignan din ang aking daliri.

"Bagay na bagay sa iyo. Tamang-tama pa ang sukat." ngumisi siya nang kunin ang kamay ko at pinagmasdan ang singsing.

May naaninaw akong emosyon sa kanyang abuhing mata habang ginagawa iyon.

"Ginawa niya ba ito?"

Pansin kong natigilan siya, umangat ng bahagya ang kilay at binitawan ang aking kamay. Napalabi siya at nag-iwas ng tingin na nagkibit balikat.

"Tinugma niya talaga sa akin. Pakpak na singsing dahil isa akong Arden." masaya akong sumandal sa aking upuan. "Sasabihin ko na sana kay Ina at Ama, subalit sabi ni Lucas huwag muna. Ayoko sanang ilihim sa kanila."

"Bakit? Hindi ka naman naglilihim, kamahalan. Ang inalok ni Lucas ng kasal ay ang Serin na anak ni Eleanor, hindi ng Hari at Reyna." nakangisi niyang sabi at maarteng hawak ang kopita.

Winged (Sequel To Serin Of Alteria)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon