Kabanata 68

247 12 2
                                    

"Ate ko! Ate ko!" malalakas na hagikhik ni Eve ang pumuno sa pandinig ko. Tumatakbo siya palapit sa akin at halos hindi na makahakbang dahil sa labis na pagtawa.

"Nariyan na ako, Eve!" hinahabol siya ni Lira na may hawak na tutubi, gustong ipahawak kay Eve ngunit nakikiliti ang paslit kaya siya tumatakbo sa akin.

Nakaupo ako sa pabilyon ng hardin, kasama ko si Kiana at pareho naming pinapanuod ang mga bata. Kung may hindi man nagbago, iyon ay si Kiana at Lira na madalas pa ring lumipad upang dalawin ako.

"Ate ko!" sumbong ni Eve nang humakbang siya sa pabilyon. Nakalapit na si Lira at pinagbantaan siya gamit ang tutubi. "Ayaw, ayaw!" taboy niya at nakasimangot na inilalayo ang kamay ni Lira.

"Hindi ito nangangagat. Hawakan mo ang buntot."

"Ayaw! Ate, o." sumisiksik siya sa akin at tinago ang kanyang mukha sa aking katawan. "Kulit ate Liya po, ate ko. Sabi ayaw Eve. Peyo pipilit man." labis na ang pagbusangot niya.

"Nakakagigil talaga ang batang iyan. Kay sarap nakawin." si Kiana na hindi makatiis at pinisil pisil ang mga pisngi ni Eve. "Halika nga dito, gusto mong sumama sa akin?"

"Ayaw. Ibon ikaw." sagot ni Eve at yumakap sa akin. Nagpigil ako ng tawa samantalang napamaang naman si Kiana. "Galit Nana ko. Galit Ama ko." aniya pa at ngumuso.

"Ayaw mo? Ililipad kita at pupunta tayo sa Ombrien. Maraming mga ibon doon at maraming paru-paro." sabi pa ni Kiana.

Umiling-iling ulit si Eve sa kanya kaya ngumiwi ang babaeng Waegun.

"Ate Serin, kailan ko siya maaaring isakay?"

"Masyado pa siyang maliit, Lira. Wala pa siyang kakayahang magpunta sa himpapawid." sinagot ko siya. Nakakandong na si Eve sa akin at mahaba ang ngusong nakatingin kay Lira.

"Ate ko." sabi niya at inaangkin ako kay Lira.

Natawa ako dahil ayaw niyang tinatawag ako ni Lira na ate. Gusto niya siya lang daw ang tatawag sa akin ng ate.

"Ate ko din siya, Eve!" balik ni Lira.

"Hindi! Eve lang kapatid ate ko." at niyakap niya ako ng mahigpit ngunit masama ang tingin kay Lira.

Parang mahuhulog na ang nguso niya dahil sa labis na paghaba nito. At ang mga pisngi niya ay lumulobo.

"Ako ang nauna. Ate ko din si ate Serin! Ate natin siya!"

"Hindi! Eve lang!"

Nagbabangayan sila sa ganitong usapin. Ngunit mabait sila sa isa't-isa at palaging naglalaro. Nagsisilbi ring ate si Lira kay Eve at tuwing pumupunta siya dito ay palagi siyang may dalang pasalubong para kay Eve.

Aabutin ko ang aking tasa nang unahan ako ni Kiana. Sinalinan niya iyon ng aking tsaa at inabot niya sa akin.

"Hindi ka na talaga mabubuhay nang wala iyan sa tabi mo, ano?" buntong hininga niya at tinignan akong uminom. "Nanghihina ka pa rin ba hanggang ngayon?" nag-aalala niyang tanong.

"Nawala ko ang kalahati ng aking puting perlas, Kiana. Parte iyon ng lakas ko." tanging sagot ko at bumaling kung saan.

Winged (Sequel To Serin Of Alteria)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon