"Ate Serin, ikaw po ba 'yan? Pareho kayo ng kulay ng mga mata." huminto kami sa pasilyo ng mga larawan. Tinignan ko ang tinutukoy ni Lira, ang larawan ng Hari at Reyna kasama ako noong ako'y sanggol pa lamang.
"Oo." sagot ko.
Tumango-tango siya, nanliit pa ang mga mata habang sinusuri ang mga larawan.
"Ang taba po ng iyong mga pisngi. Nakakagigil ka, ate Serin!" Sabi niya saka siya humagikhik.
Natawa nalang din ako. Tama siya, ang taba ko dati noong sanggol pa lang ako. Sa totoo lang ay malusog talaga ang pangangatawan ko. Unti-unti lang itong nababawasan noong nag-umpisa na akong mag-ensayo.
Pinagmamasdan niya ang bawat nakasabit na larawan. Ako naman ay lumipat sa linya ng mga maharlika. Tumapat ako sa larawan ng Hari bago si Ama. Sa madaling salita, ang aking lolo. Kawangis siya ni Ama, pareho din sila ng mga mata at ng ekspresyon. Ngunit ang buhok niya ay kayumanggi at hindi kulay ginto.
"Haring Mavrigall Silviuz." ngumiti ako. "Lolo.." Natutuwa ko pang banggit.
Pinagmasdan ko rin ang iba pang mga Silviuz na nakahanay. Talagang hindi mabubura ang pangalang Silviuz sa larangan ng maharlika. Iyon at iyon ang dadalhin ng kung sino mang maging pinuno ng buong Alteria.
Halimbawa nalang ako, isa akong babae na taga-pagmana, ikakasal ako sa isang lalaki na aking mapapangasawa. Ngunit sa halip na dalhin ko ang pangalan niya, siya ang magdadala ng pangalan kong Silviuz. Ngunit halimbawa lamang iyon. Ayoko ko pang maikasal.
"Haring Fherion Silviuz... Reyna Adelfin Silviuz... Reyna Zeneida Silviuz... Haring Clord- teka.." napahinto ako nang may mapansin.
Binalikan ko ang mga natignan ko nang larawan. Halos lahat ay kulay puti ang ginamit na panulat sa kanilang pangalan. Ngunit ang ginamit sa pangalan ni Haring Clord at Reyna Zeneida ay kulay itim. Binalikan ko ang larawan ni Haring Mavrigall, kulay itim din ang ginamit na panulat sa pangalan niya. Ngunit sa larawan naman ni Ama ay kulay puti.
Bakit itim? Hindi ba dapat ay puti ang lahat?
"Ate Serin!" Pinukaw ni Lira ang atensyon ko. "Tignan mo po, may mga pakpak sila!" nakatingin siya sa hanayan ng mga Arden. Napangiti nalang ako at nilapitan siya.
"Sila ang mga Arden."
Namamangha ang kanyang mga mata.
"Ang galing. Itong babae, tila nakita ko na siya.." aniya. Natawa ako dahil sa larawan ni Ada Heshia siya nakatingin.
"Siya ang Ina ni kuya Lucas mo."
"Talaga po?"
Nakangiti akong tumango. Bigla nalang siyang pumalakpak at nagtatatalon.
"Gusto ko po siyang makita!"
Tinignan ko ang espasyong nasa tabi ng larawan ni Ada Heshia, isasabit din dito ang larawan ko. Nagawi rin sa katabi niyang larawan ang tingin ko. Minsan nang nabanggit sa akin ni Ada ang Arden na ito. Si Arden Quan.
"Gusto mo bang kumain muna?"
"Sige po."
Luminga-linga ako sa paligid. Nasaan na si Lucas at Kiana? Nasagot ang tanong ko nang masalubong namin sila. Normal ulit sapagkat mahinahon na silang nag-uusap. Si Lira ay agad na tumakbo kay Lucas.
"Kuya Lucas, gusto ko pong makita ang iyong Ina." agad niyang bungad dito. Kumunot naman ang noo ni Lucas.
"Nakita niya kasi ang larawan ni Ada Heshia na mayroong pakpak." sagot ko sa nagtatanong niyang ekspresyon.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasiaHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...