Naganap na ang kanilang nais. Naramdaman ko iyon, tila may humiwalay sa aking katawan. Iyon marahil ang aking diwa. Kinuha nila sa akin ang aking pagkakakilanlan bilang Serin. Tila ako'y isang maliit na baroto na naglalayag sa malawak na karagatang kasalukuyang inaateke ng sigwa.
Pakiramdam ko'y napakalaki ng nawala sa akin. Sa nangyaring iyon ay tinakasan ako ng lakas kaya ngayon ay wala akong ibang magawa kun'di ang sumadlak sa salamin.
Kay raming umuugong na kaisipan sa akin. Totoo bang nawala ako sa kanilang ala-ala? Sa mga oras na ito ay burado na ba ako sa isip nila? 'Yung taong nagpapanggap bilang ako, siya na ba ang kikilalanin nilang Prinsesa? Sa aking pandama ay tila namamaga ang aking mga mata dahil sa walang katapusang pagluha.
Magmula noong sumikat ang buwan, hanggang ngayon na patungo na sa bukang-liwayway at kahel ang kalangitan. Ni hindi ko magawang ipikit ang mata upang ipahinga
Gusto ko nang makaalis dito upang makasiguro kung totoo bang naganap ang kanilang itinakdang mahika na isang sumpa para sa akin. Gusto ko nang makauwi sa palasyo, subalit hindi nakikisama ang katawan ko. Kinuha ng kung ano mang salamangka na iyon ang lakas ng aking katawan.
Tila pati ang aking ibang pandama ay nawala. Wala akong marinig, walang maintindihan. May nakikita subalit walang saysay ang aking mga nasisilayan.
Ang mga taong ito ay hindi ko na binigyan pa ng pansin. Nakikita ko ang mga galit nilang mukha, natataranta at nanghihinayang. Hindi ko alam ang dahilan. At walang rason upang akin pang intindihin ang kanilang hinaharap na suliranin.
Nagtagumpay naman silang burahin ako sa ala-ala ng mga taong mahal ko, bakit ganyan pa rin ang kanilang mukha? Mamaya lang ay tutuntong sila sa kanilang ikalawang hakbang, ang nakawin naman ang aking kapangyarihan.
Hindi ko yata maipinta na mabubuhay akong wala sa kanilang ala-ala. Wala pa man ay ikinadudurog ko na. Higit sa lahat ay mas lalo akong nangangamba na tuluyan nang mawala ang lahat sa amin ni Lucas. Hindi pa nga ako nakikipag-ayos sa kanya. 'Pag nakita niya ba ako, hindi na niya ako kilala?
Makikilala kaya ako ng puso niya?
"Lucas.." pumikit ako kasabay ng muling pagtulo ng luha ko. Ngunit sa kadilimang aking nakikita, mukha niya ang pumipinta. "Lucas.."
Hindi ko maaatim ang bagay na ito. Higit pa ito sa kamatayan na minsan ko nang nakamtan. Pagmulat ko ay sumalubong ang mukha ni Lady Elvira. Nanlilisik ang mga mata niya. Hinampas niya ng hinampas ang salamin na pader, may sinasabi siya subalit tila may nakaharang sa aking tainga upang marinig pa iyon.
Galit na galit siya. Ngunit wala pa iyon sa galit ma aking nararamdaman sa kanya. Ang silakbo ng aking kalooban ay higit pa sa isang unos.
Tumihaya ako ng pagkakahiga. Maaliwalas ang kalangitan, hindi ko alintana ang nakakasilaw na liwanag. Mas lalo akong nasilaw nang may kumikislap pa sa itaas. Kumunot ang noo ko nang makita ang isang paru-paro.
Paru-paro? 'Yung kulay pilak na paru-paro na handog sa akin ng mga diwata ay lumilipad. Hindi ko na ito napansin pa sa mga panahong narito ako. Nakapagtatakang narito pa rin ito sa akin, at ngayon ay lumipad pa sa tapat ng mukha ko. Naglalabas siya ng alikabok at nahuhulog sa akin.
Napangiti ako.
"Sino ang iyong nais?"
Marahil ay nahihibang na ako at narinig ko itong nagsalita. Nagsasalitang paru-paro. Nakakatuwa.
"Sambitin mo ang kanyang ngalan." sobrang marahuyo ng tinig. Mapamihag at nakakawala sa katinuan. Kaya marahil ay nawala na rin ako sa sarili at sinagot ito.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...