"Nagustuhan mo?" binasag ng tanong na iyon ni Heshia ang katahimikang lumatag sa bulwagan. Sa ginawa niyang kakaiba at kahanga-hanga, sadyang lahat ay natulala.
"P-paano mo..." namumutla si Serin na hindi pa rin mapaniwalaan ang handog para sa kanya ni Heshia. Nilapitan rin siya ng kanyang Inang Reyna upang tignan ang kanyang leeg.
"Parte lang iyon ng... aking mahika." kibit balikat ni Heshia ngunit nakangisi.
"Wala kang mahika na nakapaghihilom ng pilat." naguguluhang wika ni Ser Lumnus.
"Wala ba?" hilaw na tugon nito at tinitigan na si Serin. "Mayroon na ngayon." dagdag niya at hinawakan ang leeg ni Serin na natuod na yata. "Mas mainam."
"Kung ganoon, bakit... bakit ngayon mo lang ito ginawa?" ang Reyna na hindi makapaniwala.
Dumiin ang mga labi ni Heshia at nanliliit pa ang mga mata.
"Ito lang ang magandang pagkakataon." aniya at ngumiti sa Reyna.
"Bakit hindi mo pa inalis lahat?" mula iyon sa Hari.
Napatingin dito si Heshia at ngumiwi.
"Abusado ka, kamahalan." patutsada niya dito na ikinadilim ng ekspresyon ng Hari.
"Kailanman ay kuripot ka." malamig na atake ng Hari sa kanya.
Nagtawanan ang iba at napailing. Napamaang si Heshia.
"Kailanman ay mapanumbat ka." buwelta din niya sa Hari.
"S-salamat, Ada. Salamat talaga." emosyonal na yumakap si Serin dito na ikinagulat nila. "Hindi ko alam na kaya mong gawin ito. Nasanay na ako sa mga pilat, at hindi ko na inaasahang maaalis pa ito." luha ng kasiyahan ang lumabas sa kanyang mga mata habang yapos pa rin ang kanyang Ada.
"Sa tingin ko'y ang handog ko ang pinakanaibigan mo." nangunguha pang biro ni Heshia sa kanya.
Napangiti ng malawak si Serin nang lumayo. Nakahawak siya sa kanyang leeg na malinis na ngayon. Napakatagal na niyang nagsusuot ng alampay upang itago ang mahabang peklat na iyon. Nasanay na siya at buong loob nang tanggap ang karanasang iyon. Ngunit hindi niya akalain na matatamasa niya ang isang kaligayahan dahil napalis pa ang isang tanda ng sinapit niyang karahasan.
"Ngunit, nasaan si.." kusang pumihit ang leeg niya upang lumingon sa malaking entrada ng bulwagan. Doon niya natanaw ang taong kukumpleto sa kanyang kaarawan.
Nanatili ang ngiti niya at nilampasan ng ilang hakbang sina Heshia. Nakadugtong ang kanyang tingin sa paningin ni Lucas na noo'y ilang saglit pang nanatili sa entrada upang siya ay titigan. Umayon sa kanilang tahimik na tinginan ang malambing na himig ng mga instrumento. Naghintay siya sa paglapit nito, sadyang hindi binabali ang kanilang mga mata sa isa't-isa. Napakalambing ng sitwasyon para sa kanya.
Sandali niyang tinignan ang kamay ni Lucas kung saan naroon ang bungkos ng mga pulang rosas. Napakaraming rosas niyon at habang naglalakad ito'y nahuhulog pa ang mga talulot sa sahig. Napansin pa ni Serin ang kakaibang anyo ngayon ni Lucas.
Nakasuot ito ng purong itim. Ang tunika nito'y nakabuklat pa ang mga butones sa bandang itaas kaya nakikita niya ngayon ang matikas na dibdib ni Lucas. Magulo rin ang buhok nito ngunit naaayon naman iyon sa guwapo nitong mukha.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasíaHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...