Kabanata 66

208 13 5
                                    

"Alam niyang narito tayo. Hinarangan niya ang mga entrada." giit ni Haring Marcus na matalas ang mga matang pinagmamasdan ang palasyo ng Harrenhal. Nakita nila ang mababagsik at naglalagablab na itim na apoy sa bawat pintuan ng palasyo. Tiyak niya na kagagawan iyon ni Gideon.

"Kamahalan, iikot ako sa kaligiran ng palasyo upang maghanap ng naiwang entrada." pormal na satinig ni Eurron.

Tumango ang Hari sa kanya at senyales ng pagsang-ayon.

"Isama mo sila." tukoy nito sa iilang kawal na kasama. Yumukod si Eurron at pinalakad ang kabayo upang umpisahan ang gagawin.

"Bakit pa kailangan ng entrada kung maaari naman nating wasakin ang mga pader." giit ni Master Gustave na kapwa nagmamasid din sa malaking palasyo.

"Ayaw kong magpadalos-dalos. Baka hindi magawa ni Serin ang kanyang layunin. Mararamdaman ni Gideon oras na gumawa tayo ng aksyon." konbiksyon ng Hari.

Si Ser Lumnus ay hindi mapanatag at hindi napigilan ang sarili na lumapit sa palasyo. May tiwala siya kay Serin ngunit hindi sapat dahil sa labis na pag-aalala para kay Lucas. Ngunit sa ngayon, maghihintay siya ng ilang sandali.

"Anong mayroon sa toreng iyon? Ito lang ang may ilaw liban sa bulwagan." aniya na tinitingala ang tore.

"Gaano kayo nakatitiyak na magagawa niyang itanim ang perlas kay Lucas? Batid ninyong nagda-dalawang isip siya sa kahihinatnan." si Master Gustave.

"Hinayaan ko siyang gawin ito dahil nakita kong nilalabanan ni Lucas si Gideon tuwing nakikita niyang malapit si Serin. Umaasa ako na ganoon ang mangyayari." giit ng Hari. "Batid ni Serin ang kailangan niyang gawin." Pinalakad nito si Puti at tinanaw din ang tore na tinitignan ni Ser Lumnus.

"Sumama ka ba upang saktan ang anak ko?" maya't-maya ay baling ni Ser Lumnus kay Master Gustave.

Nakatiim ang bagang ng huli, "Iisa lang ako ng sapak." malamig nitong tugon.

Batid ni Ser Lumnus na galit ito dahil sa muntik nang gawin ni Lucas kay Lady Eowyn. Siya man din ay nagpupuyos sa pangyayaring iyon.

"Batid mong si Gideon iyon at hindi si Lucas. Hindi magagawa ng anak ko na manakit. Higit na hindi niya maaatim na gawin iyon kay Eowyn." mapagkumbaba niyang sinabi.

"Batid ko. Subalit hindi ako matatahimik hangga't hindi ko natitiyak na nabura na ang bawat bakas nila sa Alteria. Kinuha niya ang itim na aklat. Nangangamba ako na gamitin niya iyon upang buhayin ang kanyang mga kampon. Lalo na si Ismael." mabagsik nitong sinambit ang pangalan ng taong iyon.

Isa pa iyon sa suliranin nila. Hindi nila namalayan ang mga aksyon ni Gideon sa palasyo kaya't nagawa nitong makuha ang itim na aklat ni Nefarous na lingid sa kanilang kasalanan.

"Walang siyang sapat na oras upang magsagawa ng itim na mahika. Marami pa siyang kakailanganin." sambit ng Hari.

"Kasama niya ngayon si Serin at hindi natin alam kung ano ang laman ng kanyang isip. Maaaring sa pagkakataong ito ay magtagumpay na siyang maging isang immortal gayong dugo lamang ni Serin ang pangunahing sangkap."

Winged (Sequel To Serin Of Alteria)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon