"Napakaganda ng iyong ngiti, Serin."
"Gustong-gusto ko ang ngiti mo."
Doon lamang ako natauhan. Nakangiti pa rin nang imulat ko ang aking mga mata. Ngunit sa halip na abo, bughaw ang bumulagang mga tala. Naisadlak ko ang sarili sa imahinasyon ngunit puno ng ala-ala. Ngunit ngayong bumalik ako sa reyalidad ay sumalubong sa akin ang isang lalaking elf. Tila saglit kong nalimutan na siya ang aking kasama at hindi ang aking kababata.
Si Trystane ngayon ang kasama ko, hindi si Lucas.
Napapalibutan pa rin kami ng mga Elfia. Elfia sa halip na makikinang na alikabok na sumasabog sa himpapawid. Sa mga oras na 'to ay bigla nalang umusbong ang nalulumbay na pakiramdam. Bakit ko siya hinahanap?
"Nagustuhan mo ba ang mga Elfia?"
Hindi maitatangging maaliwalas ang ngiti ng Prinsepeng elf na ito. Malinaw at nakakadagdag sa magandang gabi. Hindi rin maitatanggi na kaakit-akit ang kanyang makakapal na kilay, ang manipis at patulis na ilong. Ang kanyang bughaw na mata ay hindi maipaliwanag ang ningning na dala. Mas tumingkad ito ngayong gabi kaysa kaninang maaga.
"Nagustuhan ko.. maganda." patango-tango kong sagot. Hindi maalis ang tingin sa kanya.
"Tama, napakaganda." nang hindi rin inaalis ang tingin sa akin. "Masaya ako dahil naghatid ako ng kasiyahan sa iyo, Prinsesa Serin."
Siguro ay sa ganitong paraan nila nasasabi na mapaglaro ang mga elf. Sa kanilang kagila-gilalas na anyo. Tila sila ay mga diwata, napaka-perpekto. Walang pintas sa kanilang mukha. Kaya marahil sinasabi nila na mapaglaro ang mga elf dahil mapanlinlang at nang-aakit ang kanilang kagandahan. Madaling makahalina at mahiwaga.
"Salamat para dito, Trystane." ang ngiti ko ay hindi na inalis pa. Gusto kong makita niya na buong loob ang aking kasiyahan kasama siya at sa kanyang pinakita. "Marami pa bang mga Elfia sa Wenosaia?"
Nakangiti siya. Bumaba ang tingin ko nang lumapit pa siya. Ang kanyang taas ay tingin ko kapantay lang si Lucas. Matangkad sila pareho at hanggang dibdib lang ako.
"Marami, sobrang dami. Dadalhin kita sa Wenosaia upang makita mo pa ang iba't-ibang mahiwagang bulaklak."
"Talaga?"
Bigla yata akong nanabik. Pero kasi, mahiwaga talaga ang Wenosaia at gusto ko ring masaksihan ang lahat ng kaakit-akit pa na tanawin doon. Noong pumunta kami doon ay mayroon kaming layunin na mahalaga, ngunit siguro ngayon ay maaari ko nang makita ang lahat ng aking gusto sa Wenosaia.
"Sa piging ni Haring Alarik, ako mismo ang susundo sa iyo dito upang personal kong maipagpaalam sa iyong Amang Hari."
Tumungo ako.
Haring Alarik, bakit kaya hindi niya noon sinabi ang totoong hiningi niyang kapalit sa akin? Bigla nalang niyang tinaliwas. Ngunit bakit ngayon ay narito si Trystane? Talaga nga kayang totoo ang sinabi niya na may damdamin siya para sa akin?
"Hihintayin ko ang araw na iyon, Trystane." wika ko.
Gusto ko ring makausap muli ang kanyang Ama. Ngunit para saan pa nga ba? Dapat nga pala ay mas maging masaya ako dahil hindi ako naipit sa kanyang hiniling na kapalit. Ano nga ba ang hiningi niyang kapalit sa tulong na kanyang ibinigay? Hmm...
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...