(Third person)
Nagpupuyos sa labis na galit ang lalaking si Zanard dahil sa nangyari. Halos lumuwa ang bawat ugat sa kanyang braso dahil sa sobrang diin ng pagkakakuyom ng mga palad. Ano mang oras ay tila sasabog ito sa galit.
"Susundan ko ang babaeng iyon at papatayin," nagngingitngit niyang sambit at lalabas na ng templo. Pero bago pa man makagawa ng hakbang ay isang braso na ang pumigil sa kanya, galit niya itong tinignan. "Bitiwan mo ako, Geneva."
Tila hindi naman nasindak ang babae at nilabanan pa ang nag-aalab nitong mata.
"Wala kang gagawing hakbang. Hindi mo gagalawin ang babaeng iyon." aniya sa malamig ding tinig.
"Narinig niya kami! Narinig niya ang sinabi ko at kailangan niyang mamatay!" parang hindi alam ng taong ito ang salitang mahinahon at kung ano ang kahulugan niyon.
"Utang na loob, Zanard! Wala ka sa Mexares at hindi mo maaaring gawin ang lahat ng nais mo!" naiinis na ring ganti ni Geneva. Parehong may madilim na ekspresyon ang dalawa at naglalaban gamit ang mga nag-aapoy na mata. "Isa lang siyang bata. Inosenteng bata." matigas pa nitong dagdag.
"Tama na iyan, kalmahin ninyo ang inyong sarili." pag-awat sa kanila ni Gwain at pumagitna.
Napadaing pa ito dahil sa tiyan na kanina ay sinipa. Marahas na napahilamos sa mukha si Zanard at malakas na sinutok ang pader. Hindi ininda ang sakit nang pagkakabaon ng kamao sa bato.
"Gusto kong ipaalala sa 'yo, Zanard. Hindi tayo narito para sa iyong personal na dahilan, at hindi ka gagawa ng hakbang na lingid sa kaalaman ng Hari." pahabol ni Geneva gamit ang maigting na tinig.
"Ang mapatay lamang ang isang tao ang siyang hangad ko, Geneva. Isang tao lang." giit nito at tinignan ang babae.
Mariing nag-igting ang panga ni Geneva, nagbaba ng tingin bago bumuntong hininga.
"Kalimutan mo na siya." mahina niyang sabi na mas lalong ikinadilim ng mukha ni Zanard.
Si Gwain na nanonood ay nabatid na wala siyang maitutulong sa sitwasyon ngayon ng dalawa kaya iniwan niya ang mga ito upang pribadong mag-usap.
"Kalimutan? Paano ko magagawang kalimutan, Geneva? Pinatay nila siya!" bulyaw nito.
Napapikit si Geneva ngunit nakakuyom pa rin ang mga palad. Hindi nagpakita ng takot sa galit na galit na lalaki. Nginisian niya ito.
"Kasalanan nila kung bakit sila namatay. At narito tayo sa Alteria hindi upang maghiganti ka. Hindi iyon ang hangad ni Ama, Zanard." mahina ngunit matigas nitong sabi sa lalaki.
"At ano ang hangad niya? Makipagkaibigan sa kahariang ito na pumatay sa taong mapapangasawa ko?" labis man ang galit at yamot, mababanaagan pa rin sa mga mata ng lalaki ang lungkot at pangungulila.
Nanlambot ang ekspresyon ni Geneva sa nasilayan.
"Bakit hindi mo siya magawang kalimutan?" nagiging emosyonal na sambit ng babae. Nang napansin iyon ni Zanard ay nag-iwas siya ng tingin at tinalikuran na ito.
"Siya lang ang laman ng puso ko. At ipaghihiganti ko siya." mahina nitong tugon.
Napayuko ang babae sa narinig. Pinagmasdan niya ang likod ng lalaki.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasíaHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...