"May galos po kayo, mahal na Prinsesa. Hayaan ninyong linisan ko ang dugo." Pinanood ko lamang ang dalawang taga-silbi na nililinisan ang mga nagkalat na bubog. Habang ang isa namang ito ay kanina pa ako pinipilit na lunasan.
Tinulugan kong ganito ito kagabi. Kaya naman pagbangon ko kanina ay nadagdagan ang mga galos ko dahil nakalimutan kong nagkalat pala ang matatalim na tipak ng salamin sa aking silid. Tuloy ay hindi lamang ang pisnging natalsikan dala ng pagkabasag nito ang aking natamo.
"Ayaw kong makarating ito sa Hari at Reyna. Wala kayong sasabihin na pangyayari," tahimik kong usal. Nagkatinginan silang tatlo na tila ba hindi yata ayon sa kanila ang aking sinabi. "Malinaw ba ang aking utos?" isa isa ko silang tinignan.
"Opo, mahal na Prinsesa. Makakaasa po kayo." pagyukod ng isa na pinupunasan ang natuyong dugo sa aking pisngi. Pati sa leeg ay kanyang pinupunasan na pinaubaya ko nalang. "Kung hindi mo po mamasamain, maaari ba akong magtanong?" may paggalang na kanyang tanong.
"Ano iyon?"
"Ano ang dahilan kung bakit nabasag ang inyong salamin?"
Nagawi ang kamay ko sa aking kuwintas. Inaalala ang mga pangyayari kagabi. Nagtagumpay siyang paglaruan ang aking isip. Ginagamit niya ang aking ilusyon upang makagawa ako ng mga bagay na lingid na sa aking kontrol sa sarili.
"Aksidente, may nakita kong kahindik-hindik na nilalang kaya naman aksidente kong nabangga." paliwanag ko sa kalmadong tinig.
"Agad pong makakarating ang kapalit nito, Prinsesa."
Hindi na ako tumugon at hinayaan ang sariling manahimik. Dumampi ang kanyang pamunas sa gilid ng aking leeg. Paulit-ulit niya itong pinupunasan na para bang ang hirap maalis ng dugo. Kumunot pa ang noo nito at bahagyang inilapit ang mukha upang matitigang mabuti.
"Isa po bang tinta iyan, Prinsesa? Hindi ko maalis."
Nagtaka man ay nabalot din ng pangamba ang aking kalooban sa kanyang sinabi. Marahang nagawi ang aking palad sa kanyang tinutukoy. Sumasariwa ang nakitang pamumuo dito ng usok at gumuhit ng isang marka bago ko tuluyang wasakin ang salamin. Mariin kong naikuyom ang mga palad,
"Huwag mo nang pansinin." tumayo ako at tinungo ang aking damitan.
Madaling nakakuha ng bandana at pinulupot sa aking leeg. Tinatago ang mga bagay na nakaukit sa aking balat. Mga bagay na kahindik-hindik sa paningin.
Pilit ko itong winawaksi. Hindi dapat ako magpadala. Isa lamang itong bagay na dumagdag sa aking kapangyarihan. Nahahati ang aking isip. Sa kabilang banda ay pinapasok ko ang mga sinabi ni Ada Heshia, na sa aking pangalawang buhay, may panibagong kakayahan na umusbong sa aking pagkatao.
Ngunit sa kabilang banda naman ay hindi dapat sapagkat isa akong Alterian. At ang Alteria ay puting apoy lamang ang dapat na kagisnang kapangyarihan.
Lumilipas ang oras at humantong sa desisyong hindi dapat ako magpalamon sa kaisipang ito kaya nagpasya akong lumabas at ubusin ang natitirang liwanag sa labas. At gaya ng inaasahan, agad na bumuntot ang pinuno ng mga mandirigma. Kailangan kong mailabas ang naiipong mabigat na saloobin.
Hawak ang pana ay tuloy-tuloy ang pagpapakawala ko ng palaso. Walang mintis ang pagbaon ng mga ito sa aking puntirya. Iniisip na katawan ito ng lalaking labis na kinakalikot ang aking ilusyon. Napuno na ng palaso ito kaya naman may kawal na bumunot sa mga ito. Hindi pa man siya tuluyang nakakalayo ay muli akong nagpakawala ng palaso.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...