"Isa pang maling hakbang," si Ada Heshia na talagang ginugulat kaming lahat. Tinignan ko siya at ang hawak niyang Meihr. "Rhaegar, hm? Mahilig kayong umatake ng patago." pinilig niya ang ulo at matamis na ngumiti.
"Heshia..." si Lady Elvira na hindi pa rin nakaahon sa naganap. Nagulat siya at talagang nasindak kay Ada. "N-nakita mo 'yon?"
Hindi sumagot si Ada at malamig siyang tinignan.
"Hindi ko alam kung sapat pa ang hagupit para sa muling pagtatangka sa Reyna at Prinsesa. Nasugatan mo pa ang Hari, lagot ka." ngumisi siya. "Ngunit marahil, kung sasambitin mo ang lunas sa kalagayan ni Eowyn ay mahabag pa sila sa iyo." dugtong ni Ada.
Tinignan ko si Lady Elvira na masama ang tingin sa kanya ngunit halata ang munting panginginig niya.
"Wala." ngitngit ni Lady Elvira.
Nasa gilid ako ni Ada at nasaksihan ko ang pagpirmi ng labi niya. At iginiya niya ang espada padausdos sa leeg at mukha ni Lady Elvira dahilan upang mamutla pa ang ginang.
"Wala talaga?" usal niya kasabay nang pagtutok ng Meihr sa lalamunan nito.
Maski ako ay totoong kinilabutan kay Ada. Paano niya nagagawang maging ganito kasindak-sindak? Ang makita siyang hawak ang Meihr ay pagtitig sa isang dakilang Arden.
Bumutil tuloy ang pawis sa noo ni Lady Elvira na malapit nang kapusin ng hininga.
"H-huwag mo akong sindakin sa pamamagitan--"
"Nasisindak ka?" putol ni Ada sa kanya. "Wala pa nga akong ginagawa."
Napalunok ako. Ngumisi si Ada.
"Bahala ka kung ayaw mong sumagot. Masakit humagupit si Gustave." nginitian niya ang ginang ng matamis bago ibaba ang nakaangat na Meihr. "Kinanti mo si Eowyn, hindi pa nga siya sinasagot."
Hindi ako makapaniwalang sasabihin niya pa iyon!
"Damputin ninyo siya." utos ni Ama. "Huwag mong sagarin ang natitira kong timpi sa iyo, Elvira. Isa pang pagkakamali at kikitilin kita sa harap ni Liliana." nagpupuyos si Ama.
Nawindang ang ginang sa narinig at halatang naapektuhan.
Hinaklit ng mga kawal ang mga kamay niya upang ibalik siya sa kanyang puwesto. May dalawang poste sa gitna, at may kakaibang tanikala ang nakakabit doon. Nang mailagay siya sa tamang posisyon ay kusang gumalaw ang dalawang tanikala sa bawat poste. May sariling isip na kumabit iyon sa kanyang dalawang pulso.
Tinignan ko si Ada na hinarap ako. Seryoso siya at nakatingin sa dibdib ko. Si Lucas ay nahagip kong nagpipigil na lumapit dito.
"Ang dibdib mo, sumasakit ba?" seryosong tanong niya.
"M-mahapdi lang."
"Hindi mo nakita ang atake niya?" segunda niyang tanong.
Wala sa sariling umiling ako. Masyado akong natuon sa kalagayan ni Ina kaya hindi ko nga nakita iyon. Suminghal siya. Tinignan ko ang hawak niyang espada.
"Ang Meihr.."
"Pasensya na, akala ko'y akin." ngumisi siya at inabot sa akin iyon. Mabilis ko namang kinuha at kunot noong tinignan siya.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasíaHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...