Kabanata 22

233 11 1
                                    

"Geneva.."

Nakatingin lang ako sa kanya sa kabila nang pagkaladkad sa akin ng mga hangal na ito. Si Geneva, at ang dragon.. ay iisa. Batid ko rin na nagugulat siya ngayon habang nakatingin sa akin. Nang tignan ko ang binti niya ay nagdurugo iyon.

"Patayin ninyo ang pakialamerang iyan!"

Nakita ko na lang na pinalibutan na rin siya ng mga taong gustong dumukot sa akin. Sinipa ko ang isang may hawak sa akin saka sinuntok ang isa pa. Dinukot ko ang punyal niya saka iyon ginamit sa pakikipaglaban. Nang tignan si Geneva ay hindi ko maiwasang mamangha. Bihasa siya, magaling siyang makipaglaban sa kabila ng malalim na sugat.

Namalayan ko na lang ang malakas na puwersang tumama sa tiyan ko. Halos maduwal ako doon at talagang nanghina ako agad. Pakiramdam ko ay susuka ako ng dugo.

"Hawak ko na ang Prinsesa. Umalis na tayo." Isa siyang babae, nababatid ko.

Dahil sa boses niya kahit na nakatago pa ang lahat ng pagkakakilanlan sa kanya. Ngunit ang katawan niya ay tila isang lalaki. Kaya siguro ganoon nalang kalakas ang pagsuntok niya sa tiyan ko.

"Geneva," nag-aalala ako sa kanya.

Hindi maganda ang lagay niya. Nadadamay lang siya ngayon sa sitwasyon ko at hindi maaaring mapahamak siya. Kaya naman sa natitirang ulirat ay buong lakas kong siniko ang babaeng may katawang lalaki.

"Geneva, umalis ka na!"

Nang tumingin siya sa akin ay sinamaan ako ng tingin.

Napasinghal ako sa ugali niya. Isang rumaragasang kamao ang sumalubong sa aking mukha. Sa lakas ay sumalampak ako sa lupa. Hilong-hilo na ako at pakiramdam ko ay nahiwalay ang aking panga.

"Anak ka nga talaga ni Haring Marcus Silviuz."

Nanlalabo na ang paningin ko. May dumakot na naman sa akin upang itayo.

"Reo, parating ang mga taga-palasyo. Kailangan na nating umalis!"

Tinignan ko ang babaeng may hawak sa akin. Malakas siya, kung pisikal na lakas ay talagang wala akong laban sa kanya. Tinulak ko siya at madaling hinablot ang nakabalot sa kanyang mukha. Nagulat siya sa ginawa ko kaya sa huli ay muli akong nakatanggap ng sampal.

"Magpasalamat ka at may kumokontra sa aking kapangyarihan. Aabuhin talaga kita!" angil ko, ngumisi siya at sinabunutan ako.

"Diyan lang naman kayo magaling ng iyong Ama. Sa kapangyarihan!"

Ano bang kinalaman ng Hari dito? Sinangga ko ang mga braso ko sa sipa niya, ngunit sadyang nanghihina na ang katawan ko at malakas siya kaya tumalsik lamang ako. Ang sakit na ng katawan ko. Hindi ko akalaing mabubugbog ako ng ganito ngayong araw.

"Reo, halika na!"

Sa palagay ko ay ang babaeng ito ang tinatawag nilang Reo. Nakakarinig nga ako ng mga yabag, kabayo sa tingin ko. Napaluhod ako nang bigyan niya pa ako ng malakas na suntok sa sikmura at sinampal ang aking mukha.

Malaki ang galit sa akin ng taong ito. Muli niyang marahas na hinablot ang aking buhok.

"Reo!"

"Makinig ka, Prinsesa. Babalikan kita. Pagkatapos niyang maisagawa ang kanyang plano, ako naman ang pupulbos sa iyo." gigil na gigil na sabi niya.

Winged (Sequel To Serin Of Alteria)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon