Nasa kuwadra ako ng mga kabayo. Dinahilan na ako ang magpapakain kay Puti sa umagang iyon. Ngunit ang totoo'y hinihintay ko ang pagdating ni Lucas upang kumuha ng kanyang kabayo sa pag-alis. Sa kalagitnaan ng ginagawa ay namataan ko si Ada Heshia na kadarating lang sakay ng itim na kabayo. Agad niyang naramdaman ang aking presensya kaya awtomatikong umangat ang kilay niya.
"Ang Prinsesa ng Alteria ay may bagong pinagkaka-abalahan. Magpalamon ng Pegasus."
Nagkibit balikat lang ako at nilagay sa kainan ni Puti ang kakaibang damo na mayroon pang maliliit na bulaklak.
"Ang aga mo yata, Ada. Saan ka galing?" usisa ko.
"Diyan lang. Sa tabi-tabi." parang wala lang na sagot niya at tumalon pababa sa kabayo.
"Saan nga?"
"Diyan nga."
"Saang diyan?"
"Sa tabi-tabi."
"Tabi-tabi? Saan?"
"Doon."
"Doon?" kumunot na ang noo ko. Siya naman ay nagtatago na ng ngisi sa akin. Tumamlay ang mukha ko. Nakikipaglokohan na naman siya. "Seryoso, Ada. Saan ka po galing?"
"Ang sarap pakinggan sa tuwing may kasamang 'po' sa iyong salita." halakhak pa niya.
"May pagkakataon talaga na mahirap kang kausap, ano?" pinanliitan ko siya ng mata, kunwaring naiirita.
Pumalabi siya, natatawa. Napansin ko na may dumi sa suot niyang bota. Puno iyon ng lupa na tila lumublob siya sa putik. Napansin niyang tinitignan ko iyon kaya siya bumuntong hininga, batid niyang alam ko na kung saan siya nagpunta.
"Sinusubukan mong pagdikitin ulit ang yungib." konbiksyon ko. Batid kong ganoon nga ngunit hindi ko inaasahan na ganito kaaga siya gumawa ng aksyon. "Sabi ni Ama ay siya ang gagawa?" usisa ko.
Sumeryoso siya at humalukipkip, "Ginagawa niya. Huwag kang mag-alala."
Tumango ako at yumuko. Hindi na nila inilihim pa sa akin ang bagay na ito. Napagdidikit nila ang ibang parte ng yungib, ngunit hindi magawa sa parte kung saan nahulog si Gideon. Mula noong sinabi nila na nawalan ako ng tibok ng puso, nabahala silang lahat. Nakita ko ulit si Gideon kaya maraming salagimsim na nananatili pa siya dito sa mundo. Ngunit ayaw kong paniwalaan sapagkat matagal na siyang patay. Kitang-kita ng dalawa kong mata kung paano ko siya lagutan ng buhay.
"Subukan ko din kaya, Ada?" mahina kong suhestiyon.
"Hindi na. Baka kung lumapit ka pa doon ay lumala ang iyong sitwasyon. Dito ka na lang at maghintay. Kami na ang bahala." at nagpahayag siya ng mabait na ngiti.
Hinanap ko ang ngiti upang ipakitang panatag ako sa sinabi niya.
"Gaano ka kaaga umalis, Ada?" tanong ko na lang.
Lumingon siya kung saan, sumunod ako at doon ko nakita si Lucas na nakahanda na sa pag-alis. Nakakainis ang pagiging matikas niya. Sa halip na magtatampo ako sa kanya ay parang kinukuha na niya ang loob ko, sa panlabas na hitsura pa lang.
"Doon na ako nagpalipas ng gabi kaya maaga akong umuwi." sagot ni Ada na ang tingin ay nasa anak. "Batid kong aalis siya kaya inagahan ko ang pagbalik."

BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasiHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...