Kaswal akong naglakad upang tunguhin ang kinaroroonan ng malawak na sanayan ng mga estudyante. Si Kiana at Lira ay nauna na doon na para bang kabisado nila ang lugar na ito. Hindi naman magiging mahirap para sa kanila na hanapin ang ingay.
Pumasok ako sa isang gusali, ang mga taong nasa loob ay naagaw ko ang pansin at tumingin sa gawi ko.
Nginitian ko lang sila at lumiko sa kanan. Binaybay ko hanggang dulo hanggang sa masilayan ang bulwagan ng gusali. Napangiwi ako dahil mayroon din palang nag-eensayo dito. Mga baguhan, halata sa kanilang itsura sapagkat mga bata pa. At isa pa, kamagong pa lamang ang ginagamit nila bilang sandata.
Naiilang na ngumiti ako sa kanila dahil lahat sila ay nakatingin sa akin. Dito kasi ang pinakamadaling daan tungo sa malawak na sanayan.
"Magbigay galang kayo, siya ang Prinsesa." imporma nung lalaking may katandaan na. Pamilyar siya sa akin ngunit hindi ko na maalala pa ang pangalan.
"Hindi na kailangan, dadaan lang ako." nahihiya kong sambit at dali-daling naglakad palabas ng bulwagan.
Sumambulat sa akin ang malawak na sanayan. Ito ay malawak na simboryo. Bukas ang lugar, napakalawak at pabilog ang hugis. Ang sahig ay nababalutan ng maberdeng damo. May mga upuan na nakapalibot sa buong sanayan na maaaring maglulan ng daan-daang estudyante. Sa itaas ay mayroon ding tila balkonahe kung saan para lamang sa Hari at Reyna kung nanaiisin nilang pumunta dito at tunghayan ang mga estudyante.
Medyo marami ang mga estudyante na nanonood. Siguro'y may pagsusulit na nagaganap. Hindi ko tuloy agad mamataan sina Kiana.
Pasimple akong naupo sa isang upuan para manood.
"Ang husay niya, punyal lamang ang kanyang gamit at hindi kapangyarihan." Sabi nung babae na nakaupo dalawang upuan ang layo mula sa akin.
"Oo nga, ano nga ulit ang kanyang pangalan?" tanong ng kausap niya.
Hindi ko hangad ang maki-usyoso ngunit hindi naman matanggihan ng tainga ko na madinig ang pinag-uusapan nila.
"Zelle ang pangalan niya. Malapit na siyang magtapos dito sa Vercua."
Humalukipkip ako at sumandal sa upuan. Marahil ay ang babaeng nasa gitna ang tinutukoy nila at katapat ang isang lalaki.
"Kahanga-hanga siya, bukod sa maganda na , mahusay pa sa pakikipaglaban. Nakakahalina din ang kanyang boses dahil ubod iyon ng hinahon. At isa pa, maraming lalaki ang pumipila para lamang makuha ang kanyang atensyon." mahabang pahayag ng isa pang babae.
Tinitigan ko naman ang Zelle na sinasabi nila. Magaling nga siya sa paggamit ng punyal. Kahit medyo malayo ay aagaw-pansin ang matingkad na tsokolate nitong buhok na umaalon sa kulot. Nang aksidenteng humarap siya dito ay nasilayan ko ang mukha niya.
Maganda nga.
"Mahusay talaga si binibining Zelle, kayang-kaya niyang makipagsabayan sa mga ginoo. Hindi na ako magtataka kung mapapasali siya sa anim na ranggo sa darating na espesyal na pagsusulit." sabi nung lalaki sa likod ko.
"Oo nga, ano? Gugunitain pala ang pagsusulit ng Sievahl ngayong taon!"
"Pinagpala siya kung mangunguna siya sa anim na iyon. Agad siyang makakakuha ng mataas na posisyon na kanyang magustuhan." sabi naman nung katabi niya.
Alam ko ang tinutukoy nila. Ang pagsusulit na kung tawaging Sievahl ay espesyal. Hindi iyon ang karaniwang pagsusulit, sapagkat doon ay mayroong iba't-ibang pagsubok ang kailangang pagdaanan at lampasan ng mga estudyante. Mayroong ranggo na nakapaloob sa pagsusulit na iyon. Iyon ay pupunain ng anim na matitira sa mga isasagawang pagsubok. Ang ika-anim na ranggo ang pinakamababa, ngunit sa dami ng mga estudyante, mapala na ang mapunta sa posisyong iyon.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...