Isang malaking dragon ngayon ang nasa labas ng tarangkahan ng palasyo ng Alteria. Naalerto ang mga kawal ngunit sa utos ni Ser Lumnus ay agad silang sumunod na huwag gagawa ng kahit na ano. Lulan nito ang isang lalaking nakasuot ng naiiba sa kasuotan ng mga Alterian. Sa kanyang tindig at kilos ay mapaghahalataang isa itong desente at prominenteng tao.
Nang makababa mula sa dragon ay hinimas nito ang ulo ng alaga,
"Sige na, Fyro." isa iyong senyales para sa nilalang upang lumipad muli.
Doon mas naging malinaw pa ang mga kasamahan nitong nasa likuran. Sa utos ng pinuno ng mga mandirigma ay umugong ang higanteng metal na tarangkahan.
"Haring Thiodore Braecohl." pagbibigay galang ni Ser Lumnus. "Ikinagagalak ko ang iyong pagdating, naroon ang Hari at Reyna na naghihintay." pormal at puno ng awtoridad na sabi ni Ser Lumnus.
"Salamat." bahagya lamang itong ngumiti bago igiya ni Ser Lumnus sa malaking tulay.
Mayroong mga kasamang kawal ang Hari ngunit mabibilang lamang ang mga ito. Kasama pa ang dalawang lalaki na nasa likod ng Hari, ang isa ay paling-linga sa paligid, tila may hinahanap.
Hindi maiwasang mamangha ng Hari ng Mexares sa nasisilayang kagandahan ng kaharian. Kahit na isang lalaki ay nagiginhawaan ito sa mga bulaklak na nakapalibot sa malaking tulay, gayundin sa tunog ng tubig na nasa ilalim nito. Hindi makikita sa kanyang mukha ang pangkaraniwang nakikita nila sa Hari ng Alteria, sapagkat ang Haring ito ay magaan ang ekspresyon. Hindi blangko o malamig, ano mang oras ay ngingiti ito sa kanilang harapan.
"Ama!"
Lahat sa ay nabalik sa tarangkahan ang tingin.
Naroon ang isang babae na hinaharang ng mga kawal at pinipigilang makapasok. Napahilot sa sentido ang Hari."Kung hindi ninyo mamasamain, maaari ba siyang tumuloy? Anak ko siya."
Napatingin naman doon si Ser Lumnus, inutusan ang kasamang kawal na hayaan ang babae.
"Mahirap manipulahin ang mga anak." pagbibiro ni Ser Lumnus, hindi naman siya nabigo sapagkat bahagyang natawa ang Hari.
"Tama ka, lalo na kung matigas ang ulo."
Nagpatuloy sila sa loob ng kastilyo. Habang ang dalawang lalaki naman ay nagpaiwan at hinihintay ang babaeng nahuli.
"Anong ginagawa mo dito, Geneva?" angil ni Zanard nang makalapit ito. Tulad ng yuswal na emosyon, tinignan lamang siya ng babae at nilampasan. Agad na hinablot ni Zanard ang braso niya, "Bakit ka pa sumunod?"
Ngumisi ito sa kanya at winaksi ang kanyang kamay.
"Upang siguruhing wala kang gagawing anomalya." inirapan niya bago talikuran ang kapatid. Nag-igting ang panga ni Zanard, tinapik naman siya sa balikat ni Gwain.
"Pino-protektahan ka lang ng iyong kapatid." saka ito sumunod kay Geneva.
Inilibot nito ang paningin sa buong lugar. Marami ang nagkalat na kawal sa paligid, malaki ang palasyo at nasisiguro niyang bawat pasikot-sikot dito ay mayroong nakabantay. Hindi niya magagawa ang nais na maglibot at umpisahang kumalap ng impormasyon tungkol sa taong kanyang hinahanap.
Dahil sa hindi ito nakatingin sa tinatahak na daan ay isang tao ang kanyang nabangga. Isang babae, ngunit hindi man lang halos natinag kahit na mayroong kalakasan ang kanyang pagka-bangga dito.
Nakaangat ang kilay ng babae nang tignan niya. Hindi niya gusto ang ekspresyong iyon ngunit dahil naalala niyang wala siya sa kanilang kaharian ay nagpakumbaba siya.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasiHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...