Sa ginawa nilang iyon ay mas lalong sumukal ang aking matatag na hinuha noon pa man. Talagang nais ni Zanard na maghiganti at si Ada Heshia ang pagdidiskitahan niya! Puno ng abilidad at kakayahan si Ada, lahat ay batid iyon. Ngunit hindi nangangahulugang hindi na dapat kami mag-alala.
Sabihin mang mas malakas siya kaysa kay Zanard, subalit iba pa rin ang bugso ng damdamin ng taong puno ng dilim ang dibdib. Wala pa man ay alam kong hindi lang duwelo ang pakay niya, kun'di may mas masidhi pa.
"Sino ba sila sa akala nila? Ang lakas ng kanilang loob upang pag-initan si Ina!" labis na nagpupuyos si Lucas nang napag-alaman din ang tungkol sa bagay na iyon.
Si Ser Lumnus ay kalmado ngunit tahimik ang paglalabas nito ng kaparehong galit. Lalo't nalaman na nila na si Zanard rin ang may pakana nang nangyaring pag-atake noon kay Ada.
"Ang hayop na iyon, ako ang haharap sa kanya." nanggigigil niyang sinabi at matalim ang mga mata.
"Lucas," sinusubukan ko siyang pakalmahin. "Kumalma ka muna, maaari ba?"
"Paano ako kakalma? Pinagbantaan na nila noon ang buhay ni Ina at ngayon ay uulitin muli nila!" bulyaw niya na nakapagpatahimik sa akin.
"Hindi na nila iyon magagawa. Kaya ni Ada ang kanyang sarili at hindi ko sila hahayaang gawin ang gusto nila." mariin kong giit, kahit hindi sapat iyon para sa kanya upang kalmahin ang sinisilabang kalooban.
Galit siya, nauunawaan ko.
"Alam mo ba ang laman ng isip nila? Oo at malakas si Ina ngunit alam mo ba kung ano pa ang kakayahan nila?" diretso niyang linya harap-harapan sa akin. "Kung hindi ay ano ang magagawa mo oras na mapahamak muli siya?"
Nangatal ako sa hindi maipaliwanag na pakiramdam dahil sa pakikitungo niya. Hindi ko dapat damdamin ngunit nasaktan ako sa pamamaraan ng pananalita niya. Hindi ako nakasagot hindi dahil sa wala akong mahitang salita, kun'di dahil natigilan ang bawat sulok ng katawan ko sa lamig ni Lucas sa pagbibitiw ng kanyang salita.
"Sa tingin mo'y wala akong magagawa para kay Ada?" mahina kong tanong.
Nilabanan ko ang kanyang matalim na titig. Kumunot ang noo ko.
"Ano bang akala mo sa akin, Lucas? Mangmang?" natawa ako.
Umigting ang kanyang panga subalit napalunok siya.
"Hindi.. hindi ganoon." marahas siyang napagod sa kanyang buhok. At hindi naglaon ay lumambot na ang kanyang mukha nang muli akong tignan. "Hindi ganoon ang nais kong sabihin. Patawad. Nag-aalala lamang ako kay Ina.."
Sinubukan niya akong hawakan subalit umatras ako. Napasinghap siya at dumaan ang takot sa kanyang mga mata.
"Lucas," hinawakan siya ni Ser Lumnus sa balikat, kunot noo na umiling ito sa kanya. "Walang magaganap na duwelo. Hindi iyon pinahintulutan ng Hari at ang iyong Ina ay pababalikin ko na agad dito."
Nakababa ang tingin ko sa mga kamay ni Lucas na nakakuyom. Pinigilan ko ang aking sarili na magdamdam sapagkat hindi ko dapat tanggapin iyon bilang mapanakit na salita mula sa kanya.
Hindi na niya tinugunan pa si Ser Lumnus sapagkat mas tuon siya sa akin.
"Serin..." masuyo niyang tawag.
"Nauunawaan kita, Lucas. Subalit huwag mo akong tignan na tila ba wala akong alam sa nangyayari." mariin kong sinabi.
Malamig ko siyang tinignan, at walang pasabi ay tinalikuran. Hindi pa man ako nakakalayo ay naramdaman ko na ang paghawak niya sa aking braso.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...