Pribado. Hindi ba nila alam ang salitang iyon? Iyon lang naman ang gusto ko, ang magpahinga ng komportable at tahimik. Nakapikit ako, ngunit ramdam ko naman ang mga presensya sa paligid ko. Ang mga matang nakatitig sa akin at pinagmamasdan ako.
"Gising ka na..." tinig iyon ni Ina.
Hindi ako nagsalita. Gusto kong isipin nila na tulog pa rin ako. Kaya hinila ko ang kumot upang italukbong sa aking kabuuan. Nang gawin ko iyon ay tumahimik ang paligid. Nais ko sanang magpatuloy sa ganoon, ngunit narinig ko ang pagkalam ng aking sikmura.
"Nagugutom ako." sinabi ko sa inaantok na tinig.
Sinubukan kong sumilip sa kumot, ngunit agad din akong nagtago sa ilalim. Paano ba naman, nakatitig sila sa akin! Nakakainis. Naiilang ako. Tila ba inaabangan nila ang paggising ko. At sa ugali ni Ina, batid kong hindi na naman ito umalis sa tabi ko sa mga oras na natutulog ako.
"Huwag n'yo akong titigan."
May humihila sa talukbong ko upang maalis ito sa akin. Ngunit nilalabanan ko iyon at hindi ko siya hahayaang magtagumpay!
"Mahal ko.."
"Gusto ko pang matulog." giit ko, nilalabanan ang puwersa ng kung sino man ang humihila sa kumot ko.
"Susuriin lang kita, anak." malumanay na sabi ni Ina.
"Ako si Serin, huwag kayong mag-alala." wika ko.
Baka iniisip nila na hindi pa rin ako ito.
"Susuriin ko ang lagay ng iyong katawan, mahal ko."
"Maayos po ako. Inaantok lang." sagot ko ulit. "At nagugutom.." pahabol ko.
"Umayos ka. Paano ka kakain kung nagkukubli ka riyan?" si Ama, tulad ng yuswal.
Bumuntong hininga ako at nagmulat. Saka ko unti-unti nang binaba ang talukbong ko. Mga luntiang mata agad ni Ina ang sumalubong sa akin. Matang nalulumbay at nag-aalala. Gayundin ang pahiwatig ng mga tingin ni Ama.
Naupo ako at sinandal ang likuran sa ulunan ng kama. At hindi pa man tuluyang naaayos ang sarili ay sinunggaban na niya ako ng walang katumbas na mahigpit na yakap.
Batid ko kung ano ang ibig sabihin ng yakap na ito. Nang kumalas ay nasaksihan ko ang pagpunas niya ng pisngi, tila ayaw niyang ipakita sa akin na lumuluha siya ngunit nasaksihan ko pa rin.
Pilit siyang ngumiti at sinapo ang aking pisngi, "Malaki ang pinsala na iyong natamo. Hindi ka muna maaaring magkikilos at gumamit ng kapangyarihan." aniya. Nagpapaalala. "Magpahinga ka muna, hm?"
Luminya ang labi ko at tumango lamang. Minsan niya pa akong niyakap ng sobrang higpit, ayaw na akong pakawalan. Kilala ko na siya kaya hinayaan ko nalang. Habang ginagawa niya iyon ay tumingin ako kay Ama. Naglakad siya palapit sa aking puwesto. Hindi man nagsalita ay alam ko ang pahiwatig ng kanyang aksyon. Bahagya siyang yumukod upang halikan ang aking noo.
"Sabihin mo kung may dinaramdam ka pang hindi maganda. Nais kong bumuti ka ng tuluyan." marahan niyang sinabi iyon.
"Gusto ko ng yakap." parang bata na usal ko.
May ngiti na sumilay sa kanyang labi na animo'y nakarinig ng magandang balita. Gagawin niya iyon ngunit nagsalita ako.
BINABASA MO ANG
Winged (Sequel To Serin Of Alteria)
FantasyHabang hinuhulma ang sarili bilang isang maharlika ay kumakalakip ang paghulma ng panibagong problema. Ang tinapos niya ay siya pa lang umpisa. Umpisa ng mas mabagsik na hamon sa buhay niya. Paano kung ang inaasam niyang mapayapang buhay ay mapupuno...