TyraSays: Hi guys! How are you all na? I hope you are doing good. :)
Let's get straight to the point, I just wanted to thank you guys for the continued support. You guys really are the best! I mean, kahit medyo irregular ang updates ko, you still read and vote them. Nakakatuwa po kayo, inaalis niyo yung pagod at puyat ko kada may cute comments akong makikita. Hihihi
So ayun, continue supporting para-paraan and I'll make sure that you are waiting for a worthy read. :)
---------------------------------------------
Manhid.
Numb.
Senseless.
Iba't ibang salita pero iisa lang ang patutunguhan: Ang kakayahan ng isang taong hindi indahin ang kahit gaano mang kalalang sakit na ibigay sa kanya. Ang kakayahang sanayin ang sarili sa paulit ulit na sakit na mararanasan.
Sa lipunan na ating kinabibilangan ngayon, halos gawing katangian na ng lahat ang pagiging manhid.
Nagpapakamanhid para lang makayanan ang hirap ng buhay, inaalis ang anumang nararamdaman upang mapasaya lang ang mga pinakamahahalagang tao sa buhay nila.
Siguro, galak na galak yung taong nakaimbento ng salitang "manhid". Paanong hindi, inuugali na ng mga tao ang simpleng salitang ginawa niya. Jackpot kumbaga.
Pero sagot nga ba ang kamanhiran para hindi ka na nga makaramdam ng sakit?
Kung nuon mo ako tatanungin, malamang sa malamang na sasabihin ko ay hindi. Aba, sa kamanhiran, hindi naman tuluyang nawawala yung sakit eh. Nandyan pa rin, may sakit pa rin. Pero hindi mo na nga lang talaga iniinda, hindi ka na nasasaktan. At yun ang ayoko mangyari, ayoko na matuto akong mamanhid sa simpleng sakit. Kailangang sa simpleng sakit palang nainda ko na siya kasi hindi ko alam kung paano ko kakayanin yung mga mas malalang pasakit na maari kong danasin.
Masyado akong matalinhaga nuon ano? Masyado akong maraming pinaniwalaan. Ang masakit lang ngayon, parang ang kabaliktaran na ng pinaniniwalaan ko ang gusto kong mangyari.
Gusto ko ng maging manhid.
Gustong gusto ko na.
"Bakit ba kasi ayaw mong kainin 'to?" pag-iinarte nitong si Piper sa nobyo niyang kanina pa parang asiwang asiwa sa ginagawa sa kanya.
"Kaya ko naman kasing kumain mag-isa babe, eh." napasinghap ako sa tawagan nilang iyon. Napukaw ng reaksyon kong iyon si Kristian pero agad kong inilayo ang aking tingin. "Tsaka may mga kasama tayo oh."
Dinapuan kami ni Piper ng tingin. Arteng arte ako sa mga tingin niya kaya agaran kong inilayo ang aking tingin. Itong si Mico naman na katabi ko ay kalma lang, para bang wala siyang nakikitang kahit ano sa harap niya.
Teka, nagtataka na siguro kayo. Hindi niyo makuha ang kinikwento ko no? Ang bilis niyo namang makalimot, ngayong araw yung "double date" daw namin 'di ba?
Hindi naman na talaga ako dapat tutuloy. Hindi naman kasi akong dalawa't kalahating gago para sumama pa at hayaang magawa ni Piper ang mga kagagahan niyang balak.
Yun na yun eh. Buo na talaga yung isip ko eh.
Eh umeksena si Mico. Pinuntahan ako at walang patumanggang inalog ako hanggang sa magising ang diwa ko. Hindi niya ako tinigilan talaga mga kapamilya hanggang hindi kami nakakarating sa park, ang dami ko daw kasing maiisip na paraan para lang takasan sila.
Kaya heto ako, tinitiis ang lahat ng nakikita ko. And so far, kaya naman siya. May mga pagkakataon lang gaya ng nangyayari ngayon na nagpapasakit ng dibdib ko. Hindi ko naman siguro ikamamatay ang mga nakikita ko kaya kaya pang tiisin. Ako na matiisin.
Sa wakas, itinigil rin ni Piper ang pangungulit sa syota niya. Naupo na lang siyang matino sa harap namin. Hayy hanggang kailan ko kaya matatagalan ito?
"Masakit pa din ba?"
Naputol ang panunuod ko sa lambingan nina Piper at Kristian sa hindi kalayuan nung biglang mag-salita si Mico.
Hindi na lang muna ako umimik sa tanong niyang iyon. Mataman ko pa kasing pinagmamasdan sila Kristian. Ewan ko ba, hindi ko alam kung bakit kahit ang hirap hirap na eh patuloy ko pa ring ginagawa ito. Yung kahit ang sakit sakit na eh patuloy ko pa ring silang pinanunuod.
"Para akong nahiwa, Mico" mapait ang ngiting pinakawalan ko. "Para akong hiniwa tapos ibinabad sa kalamansi. Ganun siya kasakit. Nanunuot. Mahapdi."
"Pasensya ka na Charlie ha? May pakiramdam lang kasi akong kailangang mangyari ito kaya pinilit kitang sumama sa kanila"
Pero tila hindi ko siya narinig dahil sa aking mga sumunod na nasaksihan. Parang bigla akong nabingi sa lahat ng ingay.
Ngayon, hindi na lang ako basta hiniwa.
Para na akong binalatan ng buhay sa aking nakikita.
Ilang metro mula sa aking harap, kitang kita ko kung paanong mag-halikan sina Kristian at Piper.
"Shit!"
Masyado kong ikinabigla ang mga nangyari na hindi ko na namalayang naikabig na pala ako ni Mico paharap sakanya para yakapin.
Patuloy ang pag-ulit sa memorya ko ng halikan nilang iyon. Tila ba isang sirang plakang paulit ulit ipinaaalala sa akin, parang naka-rewind sila.
Naririnig ko ang paulit ulit na pag-hingi sa akin ng tawad ni Mico habang niyayakap niya ako. Hindi ko siya masisi, alam ko yung nais niyang matulungan ako. Tsaka ang kapal ko naman kung magagalit pa ako sa natatanging tao na umiintindi sa akin.
Ilang minutong nag-tagal ang pag-yakap niya sa akin bago ako tuluyang humarap at tinignan siya sa kanyang mga mata.
Kitang kita ang pagsisisi sa mga mata ni Mico. Wala akong nagawa kundi ang ngitian siya, guluhin yung buhok niya at pisilin yung pisngi niya. "Wala yun, Mico. Wala tayong nakita 'di ba? Ayos lang ako. Ako pa ba naman superfriend?"
"Oh"
Agad bumungad sa amin ang magka-hawak kamay na sina Piper at Kristian nung lingunin namin kung kanino galing ang reaksyong iyon.
Agad akong nag-iwas ng tingin, hindi ko yata kayang titigan sila matapos nilang mag-halikan. Hindi ko kayang magpanggap na kaya ko, na ayos lang ako sa harap nilang dalawa.
Ngunit sa pag-iwas ko ng aking tingin, hindi ko napansin ang galit sa mga mata ni Kristian. Galit sa hindi ko malamang dahilan. Galit na ipinahahayag niya sa pamamagitan ng matalim na pag-tingin kay Mico.
![](https://img.wattpad.com/cover/23290739-288-k149716.jpg)