< Carlos' POV >
"Pare, kumalma ka na. Kailangang maayos kang haharap sa anak mo, magpakatatag ka." narinig kong sabi iyon ni Elias, yung kumpare kong pulis, habang abala siya sa pagmamaneho.
Sinusubukan ko. Maniwala man kayo o hindi, sinusubukan kong pakalmahin ang sarili ko. Sinusubukan kong mawalan muna ng nararamdaman.
Pero hindi ko kaya.
Mali sigurong inuna kong makita yung mga tarantadong iyon kesa agad puntahan ang anak ko, hindi kasi mawaglit sa isipan ko ang mga mukhang iyon. Hindi ko maalis sa sarili ko yung galit. Bumabalik sa isipan ko ang mga mukha nung apat na yun.
Tahimik kong tinatanaw ang mga lumilipas na mga kabahayan mula sa aming sinasakyan. Napapaisip ako, ilan kaya sa mga pamilyang nasa loob ng mga kabahayang ito ang gaya kong solong nagpalaki sa anak nila?
At ilan kaya sa mga solong magulang na iyon ang nakaranas na ng dinadanas ko? Sana wala.
Ilang minuto lang ay tumapat na ang sinasakyan namin sa harap ng isang bahay, narinig ko na lang na ito pala ang bahay ni Mico. Ito pala yung bahay kung nasaan ang anak ko ngayon.
Sa bawat hakbang na ginagawa namin ngayon, lumalakas yung kabog ng dibdib ko. Nilalamon ng kaba at takot yung galit na kanina kong nararamdaman. Bigla akong natakot.
Mainit kaming sinalubong ng lola ni Mico, ipinaghanda pa kami ng maiinom na tinanggap naman namin. Napansin ko ang pagiging abala nung matanda: pabalik balik siya sa kusina at sa kung saang parte ng bahay nila. Mukhang kanina pa niya ginagawa ang mga ito.
Sandaling pagpapalitan ng mga salita ang naganap. Sandali lang dahil wala ako sa sarili. Ang gusto ko lang ngayon ay makita ang anak ko. Gusto ko kang makita si Charlie.
"Samahan niyo na sila." ang utos ng matanda kina Mico na tinanguan naman nung dalawa. Tumayo na ako para sumunod sa kanila.
Lamig mula sa aircon ang agad bumungad sa akin matapos buksan nung mga bata yung pinto kung nasaan ang anak ko. Ang lakas nung lamig na sumalubong sa amin, iisipin mong ginagawa nilang freezer itong kwartong ito.
Bukod sa lamig ng aircon, binalot ang buong kwarto ng ingay mula sa telebisyong naka-bukas. Naaalala ko ang palabas na umeere, ito yung isa sa mga palabas na paborito ng anak ko. Lagi niya ngang ginagaya yung mga 'yan eh. Gustong gusto ni Charlie yang palabas na yan na tungkol sa mga modelo.
At saka ko nakita ang aking pakay.
Tahimik lang siyang nakatitig sa telebisyon. Halatang wala siya sa sarili. Halatang hindi niya alam ang mga nangyayari sa paligid niya, wala siyang muwang.
Tahimik ko lang na pinanonood ang anak ko sa aking kinatatayuan. Hindi ko alam kung saan huhugot ng tatag at lakas para maiparandam ko sa anak kong hindi siya nag-iisa sa pangyayaring ito. Hindi ko alam kung saan kukuha ng lakas dahil kahit ako nanlulumo't nanghihina na.
Naunang lumapit ang dating nobyo ng anak ko na si Kristian. Bahagyang napapitlag di Charlie nung mahawakan siya nung lalaki, pero sandali lang iyon dahil nung makilala siya ng anak ko ay niyakap siyang bigla nito.
Lalayo na sana si Kristian upang ako na ang makalapit kaya lang hinawakan ng anak ko ang braso niya, mukhang mahigpit ang pagkakahawak na iyon sa palagay ko.
Tumingin si Charlie kay Kristian. "Sabi mo hindi mo ako iiwan."
"May gusto lang kumausap sa'yo pero nandito lang ako, sa tabi." marahang sagot nung lalaki. Mukhang pinag-isipan pa ng anak ko kung hahayaan siya o hindi, hinayaan naman niya sa huli.
Matapos yun ay tumingin na sa akin si Kristian na waring sinasabing ito na ang tamang oras para makausap ang anak ko. Bago tumango, humugot muna ako ng isang napakalalim na hininga.
Handa na ako.
Dahan dahan akong lumakad papalapit sa anak ko. Bumalik siya sa pagiging tahimik at walang imik. Ngayong malaputan ko na siyang nakikita, masakit. Masakit na nagkakaganito ang anak ko. Masakit na makita siyang napakalayo sa kung paano siya lumaki. Masakit na bakit kinailangang mangyari sa kanya 'to.
"Anak?" marahan kong pag-tawag sa kanya. Wala siyang imik.
Marahan kong hinaplos ang uluhan niya, gaya ng madalas kong ginagawa. Hindi ko nga lang inasahan ang magiging reaksyon niya.
Nag-simula siyang mag-wala. Sumisigaw habang walang tigil na umiiyak. Paulit ulit nyang sinasabing kaawaan siya at tumigil na. Ilang beses rin niyang tinawag ako at si Kristian.
Hindi umabot sa isipan kong ganito kalala ang inabot ng anak ko.
Natakot akong bigla. Natakot akong baka mas malala pa ang naging trauma ni Charlie. Natakot akong baka hindi ko kayanin ang mga nangyayari ngayon sa kanya. Pero hindi, kailangan kong tibayan ang loob ko. kailangan ako ngayon ng anak ko kaya hindi ko siya pwedeng pabayaan, hindi ko siya pwedeng basta basta iwan.
Mahigpit ang ginagawa kong pag-yakap sa anak ko. Ilang beses man niyang sinusubukang makawala, hindu nadadaig ang higpit ng pagkakayakap ko sa kanya..
"Charlie, anak, ang tatay 'to"
Agad nagbago ang mga pangyayari. Yung kaninang nanlalaban na Charlie, ibgla na lang nagpakita ng labis na kahinaan. Na para bang natapos na ang lahat.
Unti unti ay ibinabalik ng aking anak yung yakap na ibinibigay ko. Sinusuklian niya yung higpit ng pagpaparamdam ko ng pahmamahal. Pinaulit ulit niya ang pagtawag sa akin habang unti unti kong nararamdaman ang pamamasa ng aking likuran dahil sa pag-iyak niya.
Hindi ko inalis ang pagkakayakap ko sa aking anak. Hinayaan ko syang maramdaman na sa pinakamasakit at pinakamahirap na pangyayari sa buhay nya ngayon, nandito ako, nandito akong tatay nya na mananatili lang lagi upang alagaan, gabayan at suportahan siya.
Naunang kumalas sa yakap ang anak ko. Marahan niyang pinupunasan yung mga patak ng luhang natira sa mga mata niya. "Tatay, hindi kita nasunod. Hindi na ako malinis, ang dumi dumi ko na tatay."
"Hindi, hindi anak. Huwag mong isipin yan." nangangarag ang boses ko nung sinabi ko 'yan. Iba yung naging tama sa akin, iba yung sakit na ibinigay ng kung paanong hinang hinang sinabi sa akin ng anak ko ang nangyari sa kanya. "Hindi mo ako sinuway. Wala kang ginawang kasalanan. Hindi ka dapat masiraan ng loob."
Patuloy ang naging pag-uusap namin. Alam kong dahil sa akin, pinipilit na ng anak kong lakasan ang loob niya. Nararamdaman ko yung pagsusumikap niyang patunayan ang katatagan niya.
Matapos ang ilang oras, sinimplihan ako nina Mico na kung maaring patulugin na muna ulit ang anak ko. Tumango naman ako bilang pag-sang ayon. Iginiya ko na pahiga ang anak ko. Tinabihan ko siya hanggang sa tuluyan na siyang maka-tulog.
Pero bago ko tuluyan siyang iwan para samahan yung dalawa sa ibaba, marahang hinawakan ni Charlie ang kamay ko.
"Mahal mo pa naman ako tatay 'di ba?"
Nginitian ko si Charlie bago hinalikan sa kanyang noo. "Anuman ang mangyari, mananatiling ako ang pinakamagmamahal sa'yo."
