:: paubaya

15 3 0
                                    

May mga tula
Pilit mang itugma
Tila balangaw
Sa una lang malinaw
Habang tumatagal
Lalong pumapagal
Nawalan na ng kulay
Wala ng saysay
Nagiging malabo
Parang ikaw at ako.

Siguro, tama sila
Sa simula lang masaya
Matamis pa sa kendi
Ngiti'y 'di maikubli
Umaga, magdamag
Puso'y pumapalag
Nais kumawala
Sa labis na tuwa
Nang dahil sa pag-ibig
Mula sa mangingibig.

Ngunit, sa una lang
Pagkat walang hadlang
Sa init ng pagsuyo
Kulang na lang maabo
Ngunit, may hangganan
Ang bawat tuwid na daan
Babaluktot, liliko
Sa'n ba patutungo?
Hiling lang ay kumapit
Ba't sa iba sumabit?

Mahal, isa kang taksil
Pusong-batong manunupil
Bawat likhang piyesa
Inalay ng isang makata
Dugo, luha at pawis
Korong bumabalisbis
Pagod at puyat na sinapit
Kapalit ay hinanakit
Mahal, sa'n ako nagkulang?
Mga letra ba'y mali ang bilang?

Paninibugho'y 'di maitago
Tila espada sa puso
Pa'no mo nga ba nagawa?
Bakit mo ba ginawa?
Naniwala na isa lang
Akala ko, ako lang
Naniwala sa'yong mga sinabi
Ako pala ay isa lang panggabi
Hanap lang 'pag nilalamig
Sa iba naman pala kinikilig.

Batid na ako'y hindi sapat
Pero sa'yo buong tapat
Minahal ka, walang biro
Ako kaya inibig mo nang totoo?
Ah, hindi nga pala
Ni katiting ay wala
Pagmamahal ay ilusyon
Produkto ng imahinasyon
Mahal kita, mahal mo siya
Kaya ako ay magpapaubaya.

Isang Daang Tula Para sa Isang Estranghera Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon