:: pag-ibig

25 3 0
                                    

Pag-ibig nga ba?
O kathang-isip pala?
Naguguluminahan
Nais malinawan
Natutuliro
Puso'y hilong-hilo
Ika'y mahiwaga
Parang diwata
Kumikinang-kinang
Ikaw ba'y nanlilinlang?

Ang iyong mga ngiti
Tila mga binhi
Sa puso'y itinanim
Ugat ay lumalalim
Tumubo, lumaki
Namukadkad, katangi-tangi
Sarili'y 'di maawat
Tulad ng watawat
Wagayway na tila alon
Tinatangay ako dako paroon.

Mata mong nangungusap
Dinadala ako sa alapaap
Nakakabighani, nakakatunaw
Aking ilaw sa gabing mapanglaw
Saan ka ba yari, Aking Sinta?
Ang apoy sa'yo 'di masawata
Dahan-dahan lang
Ako'y nadadarang
At akin namang bibilisan
Haplusin natin ang kalangitan.

Maaari mo bang hawakan?
Nang akin lamang malaman
Kung gaano ka totoo
At matansya na seryoso
Halika sa aking tabi
Ilapit at ilapat ang labi
Titikman ko lang ang lasa
Maramdaman lang na akin ka
Hanggang ngayon, napapatanong
Ngunit, dila ay napapaurong.

Maraming palaisipan
Mahirap paniwalaan
Iba't ibang damdamin
Sa mga bubog ng salamin
Nagtitiwala, nangigimbulo
Nagdududa sa pagsuyo
Natatakot masaktan
Nais kang pakasalan
Ngunit, isa lang ang sigurado
Pag-ibig na nga ito.

Isang Daang Tula Para sa Isang Estranghera Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon