:: sikreto

19 3 0
                                    

Nakakapagpabagabag
Agam-agam sa nailimbag
Namumuong katanungan
Nawawalang kasagutan
Sa'n nga ba mahahanap?
Sa talang kumikislap?
Sa dagat na sisisirin?
O sa bugso ng hangin?
Nais mo bang matuklasan?
Mahal, alas dose sa'ting tagpuan.

Balisa, kakaba-kaba
Pakanan, pakaliwa
Pahilaga, patimog
Umiinog sa bilog
Sa'n ako babaling
Hininga'y pahalinghing
Aaminin na ng puso
Magtatapat na sa'yo
Sa ngalan ng pag-ibig
Susumpa yaring bibig.

Pagpatak ng alas dose
Natutulala, natotorpe
Sa'n na ako lilingon?
Tatakbo ba o tatalon?
Atras o abanteng hakbang
Habang nasa gilid ng pampang
Ika'y nariyan sa harapan
Naghihintay na masulyapan
Ngunit, nababahag ang buntot
Nais na lamang bumaluktot.

Ba't pa kailangan
Magsabi ng katotohanan?
Hindi mo ba nahahalata
Bawat piyesa'y ikaw ang patama?
O sadyang manhid
Upang hindi agad mabatid?
Marahil, iba ang nakasungkit
Sa mga mata mong masingkit
Maaaring isa lamang guni-guni
Ayaw dinggin ang huni.

Hindi ako dalubhasa
Simple lang na makata
Pluma ang armas
Sa tinatahak na landas
Maubos man ang tinta
Tatapusin ko ang tula
Tulang ikaw ang pamagat
Tulang sa'yo lang nakaugat
Sige na, handa na ako
Magsiwalat ng lihim na ito.

Isang Daang Tula Para sa Isang Estranghera Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon