"Anak, heto ang apat na bentsingko. Madadala ka na nito sa isang paraiso" sambit ni Ina ng ibigay sa akin ang kapalit ng pagbabasa ko ng Abakada.
Naglakad ako papunta sa tindahan.
Medyo may kaguluhan sa daan dahil sa habulan ng mga bata.
Puno ng tawanan ang paligid habang sabay-sabay pinagmamasdan ng magkakapitbahay si Nene sa kanyang unang paglakad.
"Aray!" ang nasabi ko ng biglang bumunggo sa akin si Otoy na nagpapalipad ng saranggola.
Sa gilid ng tindahan ni Aling Toyang, nandoon ang mga batang may Mikmik na kunwaring bumubuga ang mga ito ng usok ng sigarilyo.
Sabay-sabay silang nag-ubuhan na naging dahilan ng kanilang hindi matatawarang ligaya.
"Pabili po Aling Toyang" ang tawag ko.
Nakangiti niyang karga-karga ang kanyang anak habang ako'y pinagtitindahan.
Sa apat na bentsingko, mayroon na akong maliliit na bubblegum na kulay, tira-tira, sitsirya na may laruan sa loob at saka dalawang kendi.
"Oy tanghali na Buneng!" Panggigising ni Nanay sa akin.
"Oh bumili ka muna sa tindahan, anak. Nandito ang isang daan" utas ng nanay sa akin.
Naglakad ako papunta sa tindahan. Medyo may kaguluhan sa daan dahil habulan ng mga snatcher at pulis.
Puno ng tawanan ang paligid habang sabay-sabay pinagmamasdan ng mga magkakapitbahay si Nene na may kapansanan habang naglalakad.
"Aray!" ang nasabi ko ng biglang bumunggo sa akin si Otoy na lumilipad ang utak dahil sa drogang nasinghot.
Sa gilid ng tindahan ni Aling Toyang, nandoon ang mga batang pilit nagtatago habang bumubuga ang mga ito ng usok ng sigarilyo.
Sabay-sabay silang nag-ubuhan dahil sa sakit na dinulot ng sigarilyo na para sa kanila ay hindi matatawarang ligaya.
"Pabili po Aling Toyang" ang tawag ko.
May kalungkutang karga-karga niya ang anak ng kanyang labingdalawang taong gulang na anak habang ako'y pinagtitindahan.
Sa halagang isang daan, mayroon na kaming isang kilong bigas at isang latang sardinas.
Ang laki na nang pinagbago ng mundo.
Naglaho na nga ang isang paraiso at nagsimula na ang paglubog ng siglo.Kasabay ng paglaglag ng lata ng sardinas at pagsabog ng mga butil ng bigas, nakita ko ang sariling duguan dahil sa tama ng bala sa aking katawan.
"Oo nga pala, nagbago na sa Pinas. Inosente na ang binibigyan ng posas at kriminal na ang inaalayan ng rosas. At ngayon ko lang lubos naunawaan ang takbo ng aking sinilangan. Hindi pala lahat ng bangungot sa panaginip lang matatagpuan" - Inosente Dukha
Click the ⭐ button
BINABASA MO ANG
Hiraya (COMPLETED)
Historia CortaKoleksyon ng maiikling kwento para sa mga lumalaban at may pinaglalaban.