"Pasensya na ha? Kadarating ko lang" bungad ko ng makita kitang naghihintay sa harap ng isang mesa.
Dala mo na ang iyong lapis pati na rin ang sulatang papel.
Sa paraan kung paano mo ito hawakan ay mababakas ang nag-uumapaw mong kasabikan.
"Handa ka na bang matuto?" ang tanong ko habang papalapit ako sa'yo.
Ang grabe ng ngiti mo.
Ang hirap bayaran ng salapi. Nakakapawi ng pagod.
Kahit alas otso na ng gabi at kauuwi ko lang galing sa trabaho.
Ang makita ka lang na matuto, pakiramdam ko ay nagawa ko na ang kabuluhan ng buhay ko.
Kinuha mo na ang lapis mo.
Sa gilid mo, doon ay nakapwesto ang pambura mo.
At sa mga nakikita ko, madali talagang makita ang interes mo.
"Noong bata ako, isa sa mga paraang tinuro ng guro ko bago ko matutunan ang pagsulat ay inaral muna namin ang iba't ibang anyo ng linya" panimula ko sa kanya.
Ako muna ang nagsulat.
Sinabi ko sayo na ito dapat ang gagayahin mo.
Napakamot ka pa nga sa ulo pero ang sabi mo hindi ka susuko.
Ginabayan ko ang bawat pagsulat mo ng may halong pagmamahal.
Nang makita mong napuno mo na ang isang papel, nakita ko ang kakaibang sayang nakapinta sa mukha mo.
"Ngayon naman, ituturo ko sa'yo kung paano isulat ang pangalan mo" ang sambit ko sa kanya habang pinipigilan ang nagbabadyang pagluha ng mga mata ko.
Isinulat ko muna ang buong pangalan mo. Ang sabi mo pa nga ang hirap.
"Noong bata ako, umiiyak pa ako kay titser kasi hindi ko kaya. Pero dahil gusto ko ang matuto, kinaya ko ang hamon na iyon. Kaya dapat kayanin mo rin" maikli ko g salaysay upang palakasi ang loob mo.
Inisa-isa natin ang letra ng pangalan mo.
Bawat liko, bawat kurba - lahat yon kinaya mo matapos lang ang buong pangalan mo.
Nang makita mo ang resulta ng pinagsikapan mo, napayakap ka sa akin.
Umagos ang luha sa mata mo habang tinititigan ang naisulat mo.
"Ganito pala isulat ang pangalan ko. Ang hirap pala, anak" ang wika mo Ina sa akin.
Apat na dekada na ang nalagas.
Bente cincong barya para sa isang linggo ang inilalaan mo sa aking pag-aaral, Ina.
Bago ako pumasok sa eskwela noon, tandang tanda ko ang pag-iyak mo sa harapan ko.
Hindi ka marunong sumulat ni bumasa ng kahit ano.
Ayaw mong maranasan ko iyon kaya ginawa mo ang lahat mapag-aral lang ako.
Kaya kahit nahihirapan ako noon, ginawa ko lahat makatapos lang at maituro sa'yo ang mga leksyon na kailanman ay hindi mo natamasa.
At ngayong isang ganap na guro na ako, pinangako ko sa sarili ko na ipaparanas ko naman sa iyo ang edukasyong pinagkait sa'yo ng panahon mo noon.
"Ang galing naman ng Ina ko. Mukhang sa'yo ko talaga naman ang gilas kk. Bukas, tuturuan naman kitang gumuhit ng bahay, mga halaman, mga hayop at mga tao."
Click the ⭐ button
BINABASA MO ANG
Hiraya (COMPLETED)
Truyện NgắnKoleksyon ng maiikling kwento para sa mga lumalaban at may pinaglalaban.