Natatandaan ko
ako ang lahat ng una mo.Ako ang una mong seatmate sa elementary.
Sa akin ka unang humiram ng pambura nang maiwala mo ang sa'yo.
Ako rin ang kauna-unahang kapares mo nang mag-instruct si teacher sa isang activity.
Ako rin ang unang nagsabi sa'yo na ang gwapo gwapo mo talaga.Sekondarya na noon, ako rin ang unang pinagtanungan mo kung tama ba ang room na pinuntahan mo. Sakto. Magkaklase pala tayo.
Unang araw ng klase, nataon na ako rin ang unang naging seatmate mo.
Nang magkaroon ng eleksyon sa loob ng klasrum ako rin ang unang bumoto sa'yo nang i-nominate ka sa escort. Nanalo ka. Nasa iyo ang lahat ng mata. Pero lingid sa kaalaman mo, ako ang una sa lahat na nabiktima ng karisma mo.
Ako ang unang nagsabi ng 'goodluck'. Ako rin ang unang tumili nang sumabak ka sa Mr. Foundation. Ako rin ang una sa pila ng mga humingi ng larawan sa'yo nang makuha mo ang titulo.
Kahit nga yata ang cheating mo, ako rin ang unang nakahuli. Nakita mo ako pero sabi mo "huwag mo akong isusumbong", dahil nga espesyal ka sa akin, hinayaan ko ang maling ginawa mo noon.Ako nga rin ang unang halik mo. Tanda mo ba 'yon? Sa larong card relay na pumalya, labi mo ang naipasa mo sa labi ko.
First hug mo rin ako. Christmas party noon tapos ako ang naging partner mo sa Paper Dance dahil sabi ni Ma'am piliin daw muna ang mga kaklase na hindi mo gaanong ka-close.
Ako ang unang nag-follow sa IG at Twitter mo. Kahit friend request, inunahan na kita.Unang kita ko pa lang sa'yo, sinama na kita sa mga pangarap ko. Nakakalungkot lang dahil babae ako pero bakit ako ang nagpapakita ng motibo na patay na patay ako sa'yo.
Nakikita mo ako
pero hindi mo ako tinitignan.Nakakausap kita
pero hindi mo ako pinapakinggan.Nandoon ako,
sa likod mo,
sumusuporta sa mga bagay na alam kong ikakalago mo.Sabi ko nga sa'yo ako ang lahat ng una mo. Ilang beses ko pang pinagdasal na sana mapansin mo rin ako, hindi sa paraang ipinipilit o dahil lang may kailangan ka. Sana mapansin mo rin ako dahil nakikita mong may papel rin pala ako sa buhay mo.
Dalawa, apat, anim na taon. Propesyonal na tayo.
Sa wakas dumating na rin ang araw na nagkatotoo rin ang mga panalangin ko.
"Have we met, 'di ba? Shara? Ikaw ba 'yan?" iyan pa ang unang mga salitang binitawan mo nang kausapin mo ako na may maaliwalas na mukha. Unang beses na nakita kong may interes ka na makilala ako.
Hindi ko alam kung kailangan ko bang maging masaya o malungkot.
Dahil nang dumating ang araw na kinausap mo ako, iyon rin ang araw na nakita mo ang papel ko sa buhay mo bilang ate ng mapapangasawa mo.
Masakit pero ito ang totoo. Kasama mo ako sa simula pero hindi ako ang hinayaan mong maging kasama sa dulo.
BINABASA MO ANG
Hiraya (COMPLETED)
ContoKoleksyon ng maiikling kwento para sa mga lumalaban at may pinaglalaban.