Minsan may nagtanong sa akin. Wika niya, paano ko raw ba napanatiling mahal ko ang sarili ko habang nagmamahal ako ng ibang tao.
~~~
Sa pagkakaalala ko, sa huling pagkakataon na pinili kong maging totoo sa sarili ko ay iniwan ako ng taong nangakong mananatili sa tabi ko.
Rakista. Karerista. Umiinom ng alak. Inuulan ng hikaw ang tainga. Pintados. Gumigimik - inaabot ng umaga. Tarantado. Gago. Maloko. Nagmumura. Mabilis uminit ang ulo. Demonyo. In short, iyan ako. Minsan ko nang ipinakilala ang sarili ko sa mundo pero tinalikuran ako ng mga tao. Oo, napapasabit sa gulo pero hindi naman sa lahat ng pagkakataon. Sa mga bagay lang na 'yon naranasan ko kung paano sumaya, kung anong pakiramdam na makita at maituring na pamilya. Sa iba kumplikado kung titignan ang klase ng buhay na kinamulatan ko. Pero mukha lang komplikado dahil wala namang nagbalak makinig sa aking kwento.
Kwento ito kung paano ko tinalikuran 'yung sarili ko habang tinatalikuran ng babaeng pinili ko.
Alam mo 'yun?
Isang gabi, dumating siya sa buhay ko. Parang tala na nagdala ng liwanag sa yumayakap na dilim sa mundo ko. Isang tao na naging mundo ko. Ang naging bato ko sa mga panahong nilalamon na ako ng kumunoy. Natuto na ako sa mga nagdaan kong pag-ibig. Natutunan ko na kung hindi ko babaguhin ang sarili ko ay walang magtatagal sa buhay ko. Na walang maidudulot na maganda kung pipiliin kong ipagpatuloy kung sino ako. Kaya lahat ng ayaw niya sa akin binago ko. Mula sa kung paano ako manamit hanggang sa kung paano ko mahalin ang mga bagay na sa paningin niya ay "mali". Wala, mahal ko eh. Pakiramdam ko ito lang ang tanging paraan na magagawa ko para maipakita sa kaniya kung gaano ko kagustong manatili siya sa mga bisig ko. Para sana sa pagkakataong ito hindi ko na ulit maririnig ang salitang "ayaw ko na". Para sana sa pagkakataong ito hindi ko na ulit maranasan kung paano kalimutan.
Pero hanggang sana lang pala 'yon.
Nabalitaan ko na may ibang lalaki na pala ang nagpapatibok ng puso niya habang magkasintahan pa kami. Tinibag ko ang pader ng pagkalalaki ko para lang lumuhod at magmakaawa na huwag na siyang umalis sa piling ko - mas magbabago na ako. Pupunan ko lahat ng pagkukulang na nakita niya sa akin at sisiguraduhing sa pangalawang subok, hindi siya magsisising pinili niya ulit ako.
Kaso gago ang mundo.
Iniwan na naman ako.
Kahit ano palang pagbabago ang gawin ko, kulang pa rin ako.
Hanggang sa bumalik na lang ulit ako sa dating ako. May mas pinaraming tattoo at hikaw. May mas malalang inuman at lasingan. May mas malokong giyera at suntukan. May mas mahabang sungay na kumakaway.
Kasi heto ako, hindi kamahal-mahal at kaiwan-iwan.
Ewan.
Pero nagpadala na naman ang sansinukob ng panibagong kalokohan. Sa alumni homecoming, muli kong nakita ang unang babaeng bumasted sa akin. Ilan lang kami sa mga magkakaklaseng hindi pa humaharap sa dambana. Nagkamustahan. Nagkakwentuhan. Nagkatuksuhan. Hanggang sa ilang buwan, naging magkaibigan. Hanggang sa nalagas ang isang taon, ikinatakot ko nang humigit pa kami roon.
Baka isa na naman itong "sana". Natatakot akong ialay ulit ang sarili ko para sa isang taong walang mata para makita ang halaga ko. Pero isang tagpo ang ipinadala ng tadhana para maging matapang ulit ako't sumugal.
"Alam mo, mahal kita. Pero hindi ko gusto kung ano ka ngayon. Alam kong masaya ka sa mga bagay na ginagawa mo kahit alam kong alam mo na sa paningin ng nakararami isa lang kalokohan ang mga ito. Mamahalin pa rin kita sa kung sino ka. Hindi mo kailangang baguhin ang sarili mo para maging deserving sa pagmamahal ko."
~~~
Minsan may nagtanong sa akin. Wika niya, paano ko raw ba napanatiling mahal ko ang sarili ko habang nagmamahal ako ng ibang tao.
Napaisip tuloy ako habang nakatitig lang sa kanya.
"Kasi hinayaan mo akong maging ako, mahal. Kaya minahal kita at mamahalin pa kahit hindi mo na maalala kung paano ako binago ng iyong pagmamahal" wika ko sa kanya habang pilit na tinatanggap ang pait na dulot ng kanyang sakit - Alzheimer's Disease.
BINABASA MO ANG
Hiraya (COMPLETED)
Cerita PendekKoleksyon ng maiikling kwento para sa mga lumalaban at may pinaglalaban.