Dear Nanay at Tatay,
Lagi ko po kayong nakikita nagtatrabaho para matugunan ang aming pangangailangan sa school. Si Nanay nagsusugat-sugat na ang kamay dahil sa kakatanggap ng mga labahin. Si Tatay naman dumadalas naman na ang pagsakit ng kanyang likuran. Ayaw ko po kayong makitang nagkakaganyan kaya Nay, Tay, ayaw ko na pong mag-aral.
Nanay? Tanda mo nung pumunta tayong palengke? Napadaan tayo noon sa tindahan ng mga damit tapos hinawakan niyo pa yung blusang pula. Ang sabi mo maganda iyun pero hindi mo binili kasi nagdiretso tayo at dumaan sa tindahan ng school supplies para bumili ng bago kong sapatos. Nanay, gusto ko pong bilhin niyo iyon kaya hindi na lang po ako mag-aaral.
Tatay? Kumusta ka kaya? Hindi ka na nakakatikim ng tama ng pulang kabayo. Kasi sabi mo sa mga kasamahan mo 'pass' dahil kailangan mong kumayod kinabukasan at hindi maging lasing dahil magpapahinga ka. Tay, deserve mo ng break. Hindi napo ako mag-aaral para naman sumaya ka.
Tay? Nay? Pasensya kung wala nang kumakalansing sa bulsa niyo. Tuwing may mga proyektong ipapasa, laging nakasahod ang palad namin para sa ambon ng pambili. Napapagod na po akong mabingi sa katahimikan ng bulsa niyo, iingay na po ulit iyan dahil hindi na ako mag-aaral.
Nanay ko, Tatay ko, umiiyak ako nung pinakita ko yung card ko. 70, 74, 77 at 80. Nanay, Tatay, sorry ha? Hindi po ako matalino. Puro bagsak po ang marka ko kaya hindi na po ako mag-aaral.
Tuwing Marso, nasa bahay lang tayo. Hindi kasi ako sasabitan ng medalya kaya kumain nalang tayo ng tinapay galing pnaderya. Nalulungkot po ako kasi pangarap ko na masabitan ako. Kaso sa panaginip nalang iyun, kaya Nay, Tay, hindu na po ako mag-aaral.
Tambay ako Nanay, Tatay. Habang nakikita ko kayo na nakatingin sa mga pumapasok na bata. Ayaw ko kasing biguan kayo Nanay, Tatay, dahil isang milagro nalang yata kung sakaling umusad ako sa susunod na baitang.
Pero bakit kayo umiiyak Nanay at Tatay? Hindi na po ako nag-aaral para hindi na kayo mahirapan. Pero nung nalasing si Tatay, nakita kong umiyak siya sa mga kumpare niya. At nung isang araw naman, inatake si Nanay dahil hindi niya ako napilit mag-aral.
Nilapitan niyo ako. Si Tatay niyakap ako tapos si Nanay hinawakan ang kamay ko. "Sorry Tay, Nay, bobo yung anak niyo. Pinilit ko pong maging matalino pero hanggang dito lang talaga ako" Humagulgol kayo sa sinabi ko. Napaiyak ako kasi nasaktan ako na nakikitang umiiyak ang mga magulang ko. Sabi niyo "Anak, mag-aral ka. Hindi namin sinabing maging matalino ka. Sa oras na tumigil ka sa pag-aaral mo, para mo na ring isinuko ang pangarap sa iyo ng Tatay at Nanay"
Tay, Nay, akala ko mas magiging masaya kayo kasi hindi na kayo naghihirap. Pero mas naghihirap pala kayo dahil sumuko ako. Kaya Nanay, Tatay, pinapangako ko po sa inyo, hindi man po ako matalino pero makakapagtapos po ang anak niyo.
"Kung iniisip mong mahirap mag-aral, isipin mo ring mas mahirap ang magpaaral"
Lubos na gumagalang,
Tonyo:
Hindi katalinuhan
pero may pangarap sa buhay.Click the ⭐ button
BINABASA MO ANG
Hiraya (COMPLETED)
Short StoryKoleksyon ng maiikling kwento para sa mga lumalaban at may pinaglalaban.