LIHAM MULA SA KABILANG MUNDO

58 4 0
                                    

Ngayon, pinili kong tuldukan ang buhay ko sa mismong araw ng aking kaarawan. Hindi ito isang liham ng pagpapakamatay, sa halip, ito ako bilang isang patay na taong kumakausap sa inyo.

Nais kong malaman niyo na hinarap ko ang isang napakatinding laban sa buhay ko at naipatalo ko ito. Inaamin ko, noong nabubuhay pa lang ako ay sumagi na sa isip ko ang ideya ng pagpapakamatay. Hindi ko na iyon itatanggi pa dahil pawang multo na lang ako sa paningin niyo. Umiiyak na lang ako isang gabi, matutulog sa pagod dulot ng aking paghagulgol. Sinasabi sa sariling "napaka walang kwenta kong tao". Pinepeke ko ang mga ngiti ko, ginagawa kong maskara ang bawat halakhak mapagtakpan lang ang masaker ng kalungkutan sa isip ko. Nanlalabo na ang paningin ko sa dinaraanan ng bawat hakbang ko. "Bakit ba tila wala namang kahulugan ang buhay ko?" - iyan ang bawat umagahan hanggang hapunan ko.

Gusto ko lang sanang kumatok sa puso ng mga taong may pinagdadaanan ngayon. Sa mga taong pinanghihinaan ng loob, sa mga hindi mahagilap ang kapayapaan sa loob ng kanilang sistema. Nakakatawa nga na sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito. Pakiramdam ko kasi sa pagbawi ko sa aking buhay ay patuloy pa rin akong hinuhuli ni Kamatayan.

Pwede bang lumaban ka? Lumaban ka pa hanggang sa dulo ng iyong kakayahan? Sa ganoong paraan, parang lumaban na rin ako. Hindi pa rin pala sapat kung hinayaan mong patayin ng punyal ang iyong pulso o kaya yakapin ng lubid ang leeg mo hanggang sa lisanin ng hininga ang katawan mo. Dahil kung may isang bagay akong pinagsisisihan ngayon, iyon ang aking pagpapakamatay. Hindi ko agad naunawaan ang buhay. Inaakala nating walang saysay ang buhay pero iyon talaga ang totoo dahil tayo ang magbibigay kahulugan rito. Kaya kung minsan, mapaupo ka man sa isang sulok na blangko ang iyong utak at manhid ang iyong puso, nagtatanong kung ano bang halaga ng buhay na ibinigay sa'yo, bago mo pa lang pala maisip ang katanungang iyan, simula pa lang alam mo na ang sagot. Hindi mo lang masyadong napansin dahil sa silakbo ng bagyo.

Kaya kaninang umaga habang naghihintay ako ng sasakyan, habang nagbabasa ng mga pagbati mula sa mga taong kakilala ko, napansin kong may paparating na truck. Nanakbo ako sa gitna ng kalsada. Rinig ko pa ang mga sigawan ng tao at ang busina ng sasakyan. Pero huli na. Dahil pinili ko na ang magpaararo sa mga gulong nito. Pinaramdam kasi sa akin ng mundo na iba ako. Ginagawa nilang katatawanan ang lahat ng pinagdaraanan ko. Lumapit ako sa mga tao para may pagbahagian ng bigat sa loob ko. Pero lahat sila tumanggi. Walang dumamay sa pagiging iba ko. Ang dami kong pasanin sa loob at labas ng aking kwarto. Pero walang nagnais makinig ng drama ko. Kaya sinarili ko ang lahat. Itinago ko ang kwento ng paghihirap ko. Gusto ko lang naman sanang maging normal na tao. Dahil simula't simula pakiramdam ko ay anino ako ng mga nasa isip ko.

Kaya nag-alay ako ng oras para sa mga kagaya mo. Wala akong ibang gustong gawin mo para sa ikapapayapa ng kaluluwa ko kundi ang magpatuloy ka anumang balaho ang mangyari sa'yo. Huwag kang mapagod. Huwag mong gawin ang mga bagay na pinagsisihan ko. Huwag kang matakot sa mga bagay na kinatakutan ko. Maging malakas ka sa mga bagay na pinanghinaan ko. Kasi kaya mo. Sadyang hindi ko lang talaga kinaya.

Gawin mo ito. Sa ngalan ng kaluluwang nakilala mo ngayon. Magpatuloy ka, kapatid. Huwag kang papagapi sa laban mo. Gawin mo ng regalo sa kaarawan ko ang mga sinabi ko.

Hiraya (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon