"Ngayon alam ko na kung bakit puso ang hugis ng pag-ibig" bulalas ni Mandy habang ginugupit ang makukulay na papel.
"Oh bakit naman?" tugon ng matalik niyang kaibigan, si Azul.
"Kunin mo ito" sabay abot niya ng isang pulang papel na korteng puso.
"Ipuwesto mo na nakaturo sa hilaga ang ibabang parte ng puso at ang parteng taas naman ay sa direksyon ng timog"
May pagtatakang sinunod naman ni Azul ang utos ng kaibigan.
"Anong nakita mo?"
"Isang baligtad na puso"
"Ngayon, hatiin mo sa gitna ang nakabaligtad na puso, paghiwalayin mo at obserban ang kinalabasang imahe"
Isang nakabibinging katahimikan ang bumasag sa pandinig ng dalawa.
"Kung iyong pagmamasdan hindi ba't para itong mga luha? Iyan ang misteryong nakatago sa loob ng hugis puso dahil ganyan ang pag-ibig. Oras na BUMALIGTAD at panawan tayo ng pagmamahal dito sa ating puso, mauuwi sa HIWALAYAN ang kwento hanggang sa maiwang LUHAAN ang parehong tao"
Sabay nagbalik sa alaala ni Mandy ang sakit ng huli niyang pag-ibig.
"Ngayon alam ko na kung bakit puso ang hugis ng pag-ibig"
Sambit ni Azul habang yakap niyang mahigpit ang umiiyak na si Mandy.
BINABASA MO ANG
Hiraya (COMPLETED)
Historia CortaKoleksyon ng maiikling kwento para sa mga lumalaban at may pinaglalaban.