"Hindi kasakiman ang piliin mo ang iyong sarili. Ang tawag doon, pagmamahal - sa sarili, sa halaga mo. Kung wala ng natitirang pagmamahal diyan sa puso mo para sa sarili mo, sige, papasukin mo siya sa buhay mo. Magpagamit ka. Magpaloko ka. Magpagago ka. Ulit!", mga salitang binitawan ni Edelyn habang kausap si Eve na ngayon ay napapabalitang nakipagbalikan na naman ang cheater niyang boyfriend. "Kaya mo 'yan, Eve. Matalino ka. Huwag mong kalimutan gamitin ito", sabay turo niya sa gawing sintido ni Eve.
Habang papunta sa kanyang puwesto para sana kunin ang kanyang gamit, nadaanan niya si Edgardo na abala sa pakikipagtawagan sa kakikilala lang niyang Senior High student. Napahinto siya sa tapat nito at bahagyang nilayo ang telepono sa tenga ni Edgardo. Wika niya, "Alam mo, Edgardo, kung hindi mo naman kayang panindigan ang mga lumalabas sa bibig mo, tigilan mo na lang ang magpakilig at magpakita ng malasakit, pwede? Tumigil ka na. Ginagawa mong laro ang pag-ibig. Ang damdamin ng isang tao ang pinakapundasyon kung bakit sila nabubuhay hanggang ngayon. Kaya kung wala rin namang kahahantungan ang panunuyo mo kay Alyssa, bitawan mo na", sabay tapik niya sa balikat nito. "Bitawan mo na habang hindi pa kumakapit 'yong babae sa ilusyon na seryoso ka.", dagdag pa niya.
Itong si Edelyn kung makapagsalita akala mo naman talaga may seryoso't mabigat na kwentong pag-ibig na pinagdaanan. Sa pagkakaalam ko, na sigurado ako, hindi niya pa talaga nararanasan ang mapasok sa isang relasyon. Ni hinahangaan o tinitiliang tauhan sa mga nobela't teleserye ay mukhang wala talaga sa kanyang bokabularyo. Matalino siya. Maganda. Ang mga katangian niya ang mga pinipilahang kwalipikasyon ng mga kalalakihan pero wala pa ring nakakapanalo sa puso niya.
"Oh? Tinitignan mo na naman ako? Kwekwestiyonin mo na naman ang pagtingin ko sa pag-ibig?", tanong niya sa akin nang mapansing mainit na naman ang mga mata ko sa kanya.
"Edelyn, tigilan mo na kasi ang pagbabasa sa mga libro ng siyensya at matematika. Walang formula ang pagmamahal. Hayaan mo silang maging malaya na umibig."
"Sinabi ko bang may tamang formula, Aira? Inalisan ko ba sila ng kalayaan? Nagpaalala lang ako. Nagpayo lang ako bilang nagmamalasakit na kaibigan. Nasa kanila pa rin ang desisyon. Hindi ko hawak ang kapangyarihang 'yon", sagot niya habang isinisilid sa loob ng kanyang bag ang mga libro na hiniram niya sa library.
"Wala ka namang jowa. NGSB ka. So, saan nanggagaling lahat ng alam mo sa bagay na 'yan, Edelyn?", tanong ko sa kanya.
"Kung sasagutin ko 'yan, hindi mo rin maiintindihan dahil magkaiba tayo ng mga naging karanasan, Aira." Seryosong sagot niya.
"So, saan nga?" pangungulit ko sa kanya habang hindi pa siya tuluyang nakakaalis sa aming silid-aralan.
"Buo ang pamilya mo. Broken family kami. Nakakasama mo sa iisang bubong ang mga magulang mo habang ako'y tanging Ina't mga kapatid ko lamang ang madadatnan mo sapagkat sumakabilang bahay na ang Ama ko." Napatigalgal ako habang tinutunghayan ang pagplaster ng ngiti sa mukha ni Edelyn.
"Habang lumalaki ako, mas nakikita ko ang kapangyarihan na dulot ng pag-ibig na 'yan. Maswerte ka dahil pag-ibig rin ang naging dahilan kung kung bakit kayo ngayon buo ng pamilya mo. Pero sa mga kagaya ko? Yaong inaakala nilang pag-ibig ang sumira rin sa amin. Pakiramdam ko kulang ako dahil sa sitwasyon na iyon. Naging pilay ako dahil wala akong kinagisnang ama sa paglaki ko"
Naestatwa ako.
"Kaya patawad kung ganito ang lenteng gamit ko sa pag-ibig na 'yan. Ayaw ko lang makita sa mga sa kapwa ko ang hindi nakita ng mga magulang ko kapag ang usapin ay relasyon na ang umiinog ay pagmamahal"
BINABASA MO ANG
Hiraya (COMPLETED)
Historia CortaKoleksyon ng maiikling kwento para sa mga lumalaban at may pinaglalaban.