"Bakit ngayon ka lang?"
"Dapak! Ang gulat ko naman sa'yo Mommy, bakit gising ka pa?"
Napatingin ako sa orasan ko.
Alas dos na pala ng umaga.
Binigyan ko siya ng ngiti upang makontra ang mainit niyang ulo.
"Tara na sa taas?" Aya ko sa kanya.
Hinagis ko ang susi ng kotse sa sofa at akmang ihahakbang ko na ang paa ko sa hagdanan ay biglang nagsalita si Mommy sa likuran ko.
"May pageant na naman na sinalihan si Fe, tama ba ako, Ford? Ilang beses ko ng sinabi sa iyo, tigil-tigilan mo na ang pagsasama sa mga ganyan. Binigyan kita ng magarang sasakyan, pera, pinapag-aral kita sa magandang paaralan at pagkatapos magiging tagapagdala ka lang ng gown? Costume ng babaeng 'yon? Tigilan mo na iyan at hindi iyan trabaho ng katulad mo!"
Ilang beses na niyang sinabi 'yan.
At ilang beses ko na ring sinuway 'yan.
Matalik kong kaibigan si Fe at ang pagsuporta nalang sa kanya ang magagawa ko para mapagaan ang mga pasanin niya sa buhay.
Ulilang lubos si Fe at ang pagsungkit lang ng korona sa barangayang patimpalak ang bumubuhay sa apat pa niyang nakababatang kapatid.
"Goodnight Mommy!"
"Oh bes! Heto yung suot mo sa Casual ha? Nakahanger naman dito yung sa gown mo. Kayang kaya mo iyan basta maniwala ka lang ha? Wag mong papa-"
Napatigil ako sa pagsasalita.
Ilang minuto nalang at magsisimula na ang pageant.
Abala siya sa pagpindat sa kanyang keypad na selpon.
Panigurado, kausap na naman niya si Anton, ang manliligaw niya.
"A-ano bes?"
"Heheh 'ka ko bes, 'wag mong isipin kalaban mo. Basta kayang kaya mo iyan! Laban lang ha?" medyo masayng tono ang ibinato ko sa kanya habang sinasabi ang mga bagay na 'yan na alam kong nasabi na sa kanya ni Anton sa text.
Hinawakan niya ang kamay ko.
Nanlalamig.
Nanlalamig ang kamay niya at ganoon din ang puso ko.
Kinakabahan siya, pero kada laban niya ay mas kinakabahan ako dahil ---
"Paano kung hindi ko na naman makuha ang title? Napakatalunan ko na naman. Lagi nalang akong nasa runner up bes. Hindi ba talaga ako maganda? O kaya matalino?"
Huminga ng malalim si Fe at saka yumakap sa'kin ng napakahigpit.
"Salamat ha? I love you ... Bes. Hindi ko alam gagawin ko kung wala ang suporta mo"
Naistatwa ako sa yakap niya. Gusto kong ulitin niya ang sinabi niya ngunit sa paraang walang "bes".
"Ah, ano. Eh bes, naakyat na mga kandidata. Go ka na! Heheheh kayang kaya mong ipanalo ito!"
Kumalas ako sa pagkakayakap at umalis sa back stage.
Nakihalo na ako sa madla dala ang kamera.
Heto ang gampanin ko palagi, tagakuha ng litrato na ipakikita niya sa mga kapatid niya.
"And Miss Dalagon 2018 goes to ..."
Iaanunsyo na ang panalo. Nmamawis na ang kamay ko. Napapikit ako sandali at nanalangin sa langit na sana ---
"... Candidate No. 3 , Maria Fe Armadoza"
Halos mapaluhod si Fe tulad ng mga usual na reaksyon ng mga nananalo sa beauty pageant nang tawagin ang pangalan niya para sa titulong inaasam-asam niya.
"Besssss! Panalo ako! Panalo ako!" nagtatatalon siya patakbo sa akin hawak hawak ang korona na nakapatong sa ulo niya.
Ngumiti lang ako sa kanya.
Napatahimik.
Namatay na yata isa-isa ang brain cells ko at nagbabadyang huminto sa pagtibok ang puso ko.
"Oh? Bakit mukhang 'di ka masaya? Kapag runner up ako parang doon ka mas happy happy, bes. Masaya ka ba na nanalo ako?"
Hindi.
Hindi ako masaya na nanalo ka Fe.
Dahil ang pagkapanalo mo sa korona ang hudyat ng pagkatalo ng puso ko.
Simula ng nanligaw sa'yo si Anton, sinabi mo na magiging ganap mo siyang boyfriend sa oras na nasungkit mo na ang isang titulo sa pageant mo.
Kaya nga kada laban mo, kinakabahan ako.
Kinakabahan ako dahil baka manalo ka at maging kayo. Na sa tuwing iaanunsyo ang pangalan ng nanalo, palagian kong dinadasal sa langit na 'wag ikaw.
'Wag ikaw dahil gusto ko akin ka.
Pero dapat bang maging masaya ako dahil alam kong masaya ka? Kahit na alam kong ang ikakasaya mo ang ikaluluha ko?
"Oo, masaya ako. Masaya ako Bes, congrats" at saka binigyan niya ako ng isang halik sa pisngi.
" I LOVE YOUUUUUUUU, BES" ang wika ng pasasalamat ng kaibigang naiibigan ko.
Click the ⭐ button
BINABASA MO ANG
Hiraya (COMPLETED)
Historia CortaKoleksyon ng maiikling kwento para sa mga lumalaban at may pinaglalaban.