Noong bata ako, kapag sumikat na ang araw panigurado akong kaamoy ko na rin ang araw.
Ang pawis tagaktak pero hindi alintana dahil sa kalayaang taglay ko.
Pero mga bata, wag na kayong maglaro.
"Maiba, taya"
"Aaaaahhhh! Taya ka Paco, puti kami, itim ka"
Bago ang laro, palaging may 'tompyang' na tinatawag. Nakakainip nga dahil palagi akong natataya.
Pero mga bata, wag na kayong maglaro.
"I want to be a tutubi, nawala ang tinatagong bato sa aking kamay na nahulog sa lupa tinuka ng manok ..."
Tapos nahulog sa aking kamay yung bato kaya nagsigawan na naman ang mga kalaro ko. Hays! Nataya na naman ako.
Pero mga bata, wag na kayong maglaro.
Minsan, yung paa ko naman nagiging uling. Nakayapak kasi ako dahil gamit kong pamato ang tsinelas ko.
"Uyyy! Napatumba ko yung lata" sigaw ko kaya dali-dali naming kinuha yung pamato namin. Kaso naitayo na yung lata at hindi ko parin nakuha yung pamato ko.
"Aaaah! Taya na naman si Paco" diin ng mga kalaro ko habang naglalaro kami ng Tumbang Preso.
Pero mga bata, wag na kayong maglaro.
Tuwing may kaarawan, hindi nawawala yung may upuan na nakapabilog tapos una-unahan na uupo doon. Hahahaha nakakatuwa lang isipin kasi lagi akong natataya doon.
Pero mga bata, wag na kayong maglaro.
Dahil kapag umuuwi ako sa bahay na marungis,nanjan na ang sintron o di kaya'y hanger para paluin ang pasaway na Paco.
Ang sarap ng demokrasya.
Parang araw-araw, nabubuhay kang may grasya.
Kaya mga bata, wag na kayong maglaro.
"Maiba, taya"
Sa paglaki niyo, makakaranas kayo ng diskriminasyon. Palagi kayong taya sa habulan ng panghuhusga at pangkukutya. Palagi kayong matatalo dahil marami sila at nag-iisa ka. Dahil daw sa iba ka. Iba ka. Kaya iba ang trato sa'yo ng mundo.
"I want to be a tutubi, nawala ang tinatagong bato"
Kapag namulat kayo, makikita ninyo ang totoo.
Magaling magtago ng bato ang mga tao kaya naman kung minsan, animo'y mga superhero ang mga ito sa kalawakan dahil lumilipad ang utak sa ibabaw ng mga ulap.
"Tumbang Preso"
Sa oras na marinig niyo ang ingay ng paligid niyo, mga hustisya't karapatang yinurakan ang sinisigaw sa iyo. Hindi na lang basta laro ang tumbang preso.
Dahil itutumba ka nila bago ka pa maging preso.
"Agawang upuan"
Ikaw ang mangangalay sa masasaksihan mo.
Lahat nag-uunahang makaupo sa upuan.
Hindi nila ito pakakawalan bagkus ay mas marami pa silang pauupuin - mga anak, anak ng kanilang anak at anak ng anak ng kanilang mga anak.
Dahil simula nang ginawang tahanan ang mundo, hindi na lang mga halaman ang inuugat - pati na rin ang mga tao.
Kaya bata, wag ka nang maglaro.
Maging seryoso't alisto ka.
Ikaw lang ang magiging taya at magiging biktima sa palaruang ito. Ingat ka. Baka ka madapa.
Hindi lang kasi sugat ang matatamo mo kundi isang kahirapang ikakamatay mo.
Ang sarap ng demokrasya.
Pero bakit ang ating lipunan mismo ang dumidisgrasya?Click the ⭐button
BINABASA MO ANG
Hiraya (COMPLETED)
NouvellesKoleksyon ng maiikling kwento para sa mga lumalaban at may pinaglalaban.