Travis' PoV
Hindi ko alam kung ilang beses na 'kong tumingin sa orasan. Simula nang makauwi ako ay wala na 'kong ibang ginawa kundi humiga at isipin kung ano na ang nangyayari kay Alex sa oras na 'to at ang lahat ng sinabi niya kanina. Hindi mawala 'yon lahat sa isip ko, lalo na yung pangako niya sakin na wala namang kasiguraduhan kung magagawa niya.
Muli akong tumingin sa orasan, 3:34 na ng umaga. Kaunting oras na lang ay malapit nang lumiwanag.
4:03 am, biglang umulan ng malakas. Walang tigil ang ulan hanggang sa kailangan ko nang mag handa para pumasok sa school. Wala sana akong balak kumilos pero naisip kong baka sa school niya ako puntahan dahil nangako siyang magkikita kami.
Nagmadali akong kumilos, wala akong ganang maligo at wala rin akong ganang kumain kaya nagsuot na lang ako ng uniform. Kinuha ko ang bag, cellphone, at susi ng kotse ko saka bumaba. Tulog pa silang lahat kaya dirediretso na 'ko palabas ng gate. Ang hirap pala, ang hirap gawin yung araw araw mong ginagawa noon kapag may mabigat kang iniisip at inaalala ngayon.
Ramdam kong palakas ng palakas ang tibok ng puso ko habang palapit ako sa gate para buksan, hindi man lang ako nakaisip na kumuha ng payong. Tangina, lutang.
Binilisan ko na lang ang kilos ko, inunlock ko ang gate, muntik pang matamaan ng gate ang mukha ko nang kusa itong bumukas kahit hindi ko pa ginagalaw matapos kong maiunlock.
Sino--
Mabilis akong napahawak sa dibdib ko nang may makita akong babaeng nakasandal sa gate at malapit ng mahiga sa lupa..
Hinawi ko ang basang buhok niya at halos hindi ako nakagalaw sa pwesto ko, parang huminto ang nasa paligid ko at napako ang tingin ko sa basang basa na katawan ni Alex.
Bumalik ako sa huwisyo nung bigla siyang nagmulat ng mata at umungol. Lumuhod ako sa harapan niya, ramdam ko ang galit na lumulukob sa buong sistema ko. Bubuhatin ko na dapat siya ngunit ngumiwi at namilipit siya sa sakit. Mariin akong pumikit, naninikip ang dibdib ko sa kaba kaya hindi ako makapag-isip ng maayos.
"'T-Travis.. ang s-sakit," naiiyak niyang sabi kaya hindi ko na napigilan ang pagtulo ng luha ko.
Sinubukan ko ulit siyang kargahin, pero hindi ko talaga magawa dahil sa nakakapanghinang boses niya.
"Y-Yung likod ko-- 'wag kang umiyak."
"H-Hindi! Hindi ako umiiyak."
Buong lakas ko siyang kinarga, ipinahinga niya agad ang ulo niya sa balikat ko. Ramdam ko ang mahigpit niyang hawak sa braso ko, halatang tinitiis niya ang sakt. Niyakap ko siya ng mahigpit at pumasok na agad kami sa loob.
"Uupo lang ako, m-masakit humiga."
Tumango ako, hindi ko nagawang isara ang gate. Dahan dahan ko siyang pinaupo sa sofa at ngumiwi siya nung lumapat ang likod niya sa sandalan. Nanginginig siya sa sobrang lamig kaya kumuha ako ng tatlong makapal na tuwalya.
Ipinalibot ko agad 'yon sakanya, sakto namang lumabas si manang sa kwarto, "Manang! Come here bilis! Pakibihisan naman po--"
"Jusko, anong nangyari sainyo?!"
"Pakibihisan niyo muna si Alexia please."
"S-Saglit lang. Pwede bang makitawag?" sabat ni Alex.
Umiling ako, "Magbibihis ka muna, Alex."
"K-Kaya ko naman. Ilang oras akong nakaupo doon, dalawang minuto lang ako tatawag."
Mas lalo akong nanghina sa sinabi niya, hindi ko siya pinansin at humingi ako ng tulong kay manang na halos aatakihin na sa puso.
![](https://img.wattpad.com/cover/135936807-288-k578324.jpg)