🏰GLYDEL🏰
Nataranta ako nang paputukan agad ni Papá ang buong kabahayan. Hindi naman sa natatakot ako, pero kasi ang mga tao sa loob ang iniisip ko. Ilang taon ko rin silang nakasama, kaya masakit din sa akin kung mapapahamak sila. Hindi man kami close ng mga 'yon, may halaga pa rin sila, kahit na ang papangit.
Napapikit na lang ako, dahil alam kong hindi naman paaawat ang isang 'to, lalo na't kanina pa siya nanggigigil sa mga 'yon. Matagal ko na siyang kilala, kaya alam na alam ko kung gaano kabalingag ang utak niya 'pag galit siya.
Hindi siya 'yong tipo ng tao na makakapagpatawad kaagad. Magagawa niya lang 'yon kapag nahimasmasan na siya, at siya ang tipo ng tao na mahihimasmasan lang kapag nakaganti na. Kahit sa maliit na paraan ay gaganti siya, hindi pup'wedeng hindi, dahil gano'n ang pamantayan niya sa buhay.
Hindi na ako nagulat nang pasabugin niya ang kabilang parte ng bahay. Agad akong lumabas doon, kaya nakita ko siyang nakatayo lang at tila nanonood lang ng palabas.
"Fire," utos niya pa.
Nanlaki ang mata ko nang makita ko ang sasakyan ni Ate na nasa sulok. Hindi ako p'wedeng magkamali, sa kaniya 'yon. "Nandito siya?" Hindi ko inasahan ang bagay na 'yan. Buti na lang lumabas ako. Nanakbo ako papunta kay Papá. Alam kong malabong mapahinto ko siya, pero susubukan ko bago pa niya mapatay lahat ng tao sa loob ng mansiyon.
Si Erning din pala...
Si Eric agad ang sumagi sa isip ko, lalo na 'yong hitsura niya noong nagkita kami dati. Inosenteng-inosente at walang kamalay-malay na nakaratay na sa hospital ang Tatay niya.
"Jaime," tawag ko na naging dahilan nang lalong pagkunot ng noo niya. "Joke, Papá," biglang bawi ko, bago pa ako mapasama sa mga pinauulanan niya ng bala. "Si Ate nasa loob," sabi ko. Walang halong pagpapaawa ang ginagawa ko.
"So?"
"Ano'ng so? Kapag namatay ang Ate ko hindi na kita papansinin."
"Eh di hindi," sabi niya kaya napakamot ako.
T*ngina talaga nitong matandang 'to ang hirap kausap, palibhasa sinasaltik.
"Papá kasi..." Hindi ko napigil ang mapaluha. Tiyak na habang buhay ko dadalhin ang bigat 'pag may nangyari sa kaniya. Malay ko ba naman kasing nandito siya. Kung alam ko dapat hindi ko na itinuro. Maraming magagalit sa akin kapag nalaman nila ang pagsuplong na ginawa ko. Nagpadalos-dalos na naman kasi ako nang kilos.
"Stop crying," aniya bago pumikit at huminga nang malalim.
"Sige na," pagpupumilit ko. Masiyadong masama si Ate para lang matapos nang ganito ang buhay niya. Kahit pangit siya, mahalaga siya sa akin, dahil kung walang pangit tiyak na wala ring maganda na gaya ko.
"Manahimik ka."
"Hindi na tayo bati?"
"Carmela, p'wede bang 'wag ka munang makialam?"
"Hindi," sagot ko.
Napabuga siya bago sinenyasan ang mga tao na huminto. Nakahinga ako nang maluwag bago sinilip ang mansiyon. Halos kalahati no'n ang nasira. Malaki ang bahay kaya maliit lang ang napinsala.
BINABASA MO ANG
HIM & I [SEASON 4]
General FictionContinuation of Him & I STARTED: 07/21/22 COMPLETED: