🏰DARYLLE🏰
Talagang sulit na sulit ang tulog ko, kaya kahit maaga pa ay gising na gising na ako. Bumangon na ako at inayos ang mga gamit ko. Patapos ay nag-unat ako para lalong mabuhay ang dugo ko.
Ibang klase ang pagod na naramdaman ko kahapon, kaya naman halos nanlalata ako. Iba kasi talaga ang layo nito kung ikukumpara sa bahay, pero alam ko namang masasanay din ako. Unang beses lang kasi 'yong kahapon kaya grabe ang epekto sa akin.
Maya-maya pa ay bumaba na ako para makapag-almusal. Nando'n na rin sila Tito Tonton na nag-uusap tungkol sa negosyo. May plano silang mag-expand, 'yon lang ang naiintindihan ko. Mukhang seryoso ang usapan nila, dahil kasama si Kuya Reiven.
"Sila Bradley pala?" puna ni Tito Morgan. "Dito kayo natulog 'di ba? Nasa'n 'yong dalawa?" Si Nanay Edna ang tinanong niya.
"Si Bradley umalis na, si Manolo tulog pa."
"Umalis na? Ang aga naman."
"Excited talaga 'yon para sa project," nakangiting wika Kuya ReiRei. "Grabe ang preparation nila kasi ilang araw na lang lilipad na sila pa-Siargao."
"Eh si Manolo? Bibihira ko nang makita, kagabi wala rin ano?"
"Hay naku, naloloko sa babae," ani Nanay Edna, na iiling-iling. Si Tito Morgan naman ay nakangiti nang makahulugan. "Ewan ko, parang nag-aaway nga kagabi 'yong dalawa."
Hindi ko alam kung sinong dalawa ang tinutukoy niya. Kung sila Kuya Brad ba o si Kuya Manolo at ang girlfriend niya.
"Hayaan mo na, kaming mga lalaki talagang iba pagdating sa babae. Hindi ba Mamba?" Si Tito David naman ang napag-trip-an nito.
"Ay oo naman," mabilis siyang tumango, kaya nagtawanan sila. "Ganoon talaga Edna, masakit man para sa ating mga magulang pero wala tayong magagawa parte iyon ng buhay."
"Bumawi ka na lamang sa magiging apo," nakangiting ani Tito Tonton.
"Maganda 'yan," sabat naman ni Tito Morgan. "Sabihan mo, mag-anak na kamo para madagdagan na ang mga bata rito."
Ako naman ay natawa na lang. Palibhasa ay matatandang binata sila kaya gano'n sila kasabik sa mga bata. Talagang hilig nila ang mag-alaga kahit hindi nila kaanu-ano.
"Kayo naman, eh kakakilala pa lang nila. Nagulat nga ako at sila na raw kaagad, tapos kayo naman gusto niyo na kaagad ng apo. Hay naku Diyos ko, baka hindi ko kayanin." Natatawa na lang si Nanay Edna, pero mababakas ang pagkabahala sa kaniya.
"Eh bakit naman kasi kailangan pang patagalin? Kung do'n din naman ang punta, hindi ba?" ani Tito David.
"Tama, tama," pagsang-ayon ni Tito Morgan. "Bukod pa ro'n, nasa tamang edad na si Manolo. Gusto mo bang matulad sa amin ang anak mo? Nakiki-anak lang kami sa may anak ng may anak."
"Hindi naman sa gano'n," kat'wiran ni Nanay Edna. Humigop siya sa kape at napalunok. "Ang alam ko kasi, si Reiven ang gusto no'ng babae. Eh baka mamaya eh..."
"Na-love at first sight 'yon sa anak mo," putol ni Tito Morgan.
Natawa kami nila Kuya ReiRei, dahil talagang ganadong-ganado silang nagkukuwentuhan na animo'y hindi mga naglasing kagabi.
"Hindi naman kasi no'n kilala si Manolo, dahil itong si ReiRei nga ang ibinubugaw ko," sabi naman ni Tito David. "Malay ko ba namang si Manolo pala ang makakadagit, 'di ba?"
"Naku kayo talaga, mga kunsintidor," kakamot-kamot si Nanay Edna. "Oh siya sige na, talo na ako."
Lalong natawa sina Tito dahil hindi na nakapalag si Nanay Edna sa kanila. Tatlo sila at isa lang siya, kaya dehado talaga ang laban. Nahinto lang sila sa pagtawa nang biglang dumating si Kuya Manolo na mukhang paalis na rin.
BINABASA MO ANG
HIM & I [SEASON 4]
General FictionContinuation of Him & I STARTED: 07/21/22 COMPLETED: