🏰DARYLLE🏰
Halos hindi ako natulog, dahil sa kababantay kay Mama. Panay ang daing niya buong gabi, nang dahil sa sugat. Sinabihan na namin siya ni Ate'ng pumunta na kami sa hospital, pero ayaw niya. Pinipilit niya kaming matulog, dahil daw may pasok.
No choice kami kun'di bantayan siya. Dito kami natulog ni Ate sa kuwarto niya. Pinag-iisipan ko pa kung papasok ba ako mamaya. Kasi sa totoo lang, ayaw kong iwan si Mama nang ganito ang kalagayan niya. Baka mamaya may mangyari sa kaniya rito, wala man lang siyang kasama.
Willing naman ako, dahil si Ate hindi na p'wedeng um-absent nang um-absent. College na siya, kaya hindi na uubra ang gano'n.
"Luto na tayo sa baba," yaya ni Ate. Gaya ko ay wala na rin siyang balak na matulog, dahil baka tanghaliin lang kami lalo.
"Paano si Mama?"
"Tulog naman eh, saglit lang naman tayo sa baba. Ayaw kong magluto mag-isa ro'n."
"Oh sige," pagpayag ko. Hindi naman siguro maano si Mama rito. Maganda rin kasing malutuan na siya, para pagkagising niya may makakain na siya.
Bumaba na kami ni Ate. Napagdesisyonan naming mag-sopas na lang, para may sabaw. Ngayon lang talaga nangyari kay Mama 'to, kaya nag-aalala ako nang husto. Masiyado siyang maingat sa sarili, kaya nang umuwi siya kagabi nang gano'n ang kalagayan ay kinabahan ako.
Ang masakit lang nito, mukhang hindi kami makakapagsampa ng reklamo, dahil ang narinig ko sa usapan nila ay 'yong Jaime yata ang may gawa. Medyo naguluhan nga lang ako kung bakit, pero mukhang may kinalaman sa trabaho niya noon. Kasi sakay siya no'ng van na kahawig nang kina Marco.
Sana nga lang maging maayos din 'to, lalo na si Mama. Hindi pa kami gano'n katatag ni Ate. Oo, kaya na namin, pero iba pa rin 'pag nandiyan siya, kaya sana 'wag na 'tong maulit.
Naghiwa na ako ng Carrots, Hotdog at Repolyo. Si Ate naman ang sa Sibuyas at Bawang. Binabad namin ang Giniling, dahil frozen pa.
"Ano? Papasok ka?" Maya-maya pa'y tanong ni Ate sa gitna nang pagsinghot, dahil sa Sibuyas.
"Ewan ko nga eh," nag-aalangan kong sagot. "Ikaw, Ate? Ano sa palagay mo? Papasok ba ako?"
"Eh kasi si Mama eh, ayaw naman magpadala sa hospital. Ang hirap namang iwanan nang ganiyan siya."
"Kaya na nga eh," napapadyak ako sa sobrang yamot. Dapat kasi nagpadala na siya, para hindi kami nag-aalala.
Paano kung mamaya pa magkaro'n ng aberya?
"Hindi na lang ako papasok," sabi ko. Magbibilin na lang ako kina Sydney na sabihin sa akin ang mga ginawa nila. Mag-e-email na lang din ako sa mga teacher namin ngayon, para hindi na nila ako hanapin.
"Sure ka? Baka may importante kang gagawin ngayon?"
"Hindi ko lang alam, pero alangan naman ikaw ang um-absent?"
"'Yon nga eh, may NSTP kasi kami ngayon."
"Oh sige na, ikaw na lang pumasok. Sasamahan ko muna si Mama kahit ngayon lang."
"Sige, magsabi ka 'pag may emergency ha?"
Tumango ako. "Tara luto na tayo." Sinindihan ko na ang kalan. Nagpapaalaman na kasi kami kahit na 'di pa naman kami aalis.
Si Ate ang nag-lead sa pagluluto habang ako naman ay abala sa pag-aayos ng pinag-gamitan namin. Itinapon ko na lahat ng balat ng gulay at hinugasan ang mga utensils na nagamit para wala ng kalat.
Inabot din kami ng isang oras sa pagluluto, dahil hindi pa naman kami gano'n kagaling. Mas natagalan pa kami sa pagtitimpla, dahil napaalat ang niluto.
BINABASA MO ANG
HIM & I [SEASON 4]
General FictionContinuation of Him & I STARTED: 07/21/22 COMPLETED: